Itinatag ang ERAFILCOM o Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities na pinangungunahan ng mga lider at miyembro ng mga organisasyon mula sa Bologna, Modena, Rimini, Ravenna, Reggio Emilia, Ferrara, Forli, Cesena at Parma.
Matapos ang ilang taon ng pagbabalak at pagsisigasig na magkaroon ng isang pang-rehiyong alyansa ng mga organisasyon sa Emilia Romagna, ay naitatag din ang ERAFILCOM o Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities.
Idinaos ang halalan nitong ika-4 ng Pebrero sa Centro Interculturale Zonarelli, via Sacco 14, Bologna, kung saan ay dinaluhan ng mga lider at miyembro ng mga organisasyon mula sa Bologna, Modena, Rimini, Ravenna, Reggio Emilia, Ferrara, Forli, Cesena at Parma.
Bago naganap ito ay nagkaroon muna ng mga konsultasyon noong Hulyo 2017 kung saan ay binuo ang isang Ad Hoc Committee at nitong ika-3 ng Disyembre, 2017 kung saan naman ay inayos ang constitution and by-laws at pinagkasunduan ang magiging katawagan ng alyansa.
Ang mga pangunahing layunin ng ERAFILCOM ay ang pagkaisahin ang mga adhikain ng mga samahan para sa pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa rehiyon, maisulong ang pagkakaroon ng isang honorary consul para sa mas mabilis at malapit na serbisyo sa dokumentasyon at iba pang pangangailangan, magkaroon ng isahang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kung saan ang lahat ng nasasakupan ng rehiyon ay magbahagi ng presentasyon upang maipakilala sa bagong henerasyon ang kulturang Pilipino at tuloy ay magkaroon ng personal na komunikasyon ang mga magkababayan, at panghuli, ay upang magkasama-sama sa pagdaraos ng mga health and sports activities, seminar, forum at mga training na magpapaunlad sa kalagayan at antas ng kasanayan ng mga Pilipino.
Bilang unang proyekto ng ERAFILCOM, ang isahang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay gaganapin sa Reggio Emilia sa ika-17 ng Hunyo, 2018 na pangangasiwaan ng samahang Bahaghari.
May mahalagang bahagi rin ang OFW Watch Italy, ang pambansang alyansa ng mga manggagawa, sa pagtulong nito sa pamamagitan ng mga opisyales at miyembro, sa paggabay sa pagtatatag. Sa gitna ng asembleya ay humingi din ito ng suporta sa isinasagawa nitong Migrants’ Survey. Ang mga lider ng samahan ay nangakong ibabahagi din ito sa kani-kanilang lugar upang maipalaganap at muling makalap at maisumite sa OFW Watch at maging basehan sa mga isusulong na resolusyon sa mga lilitaw na problema at kalagayan ng mga OFWs sa Italya.
Ang mga nahalal na opisyales ay sina:
Pangulo: EMERSON MALAPITAN
Mga Pangalawang Pangulo: FHELY GAYO (External), BENNY LAUZON (Internal) at DIVINA BULSECO (Women)
Kalihim: FLORIAN ARANDELA
Mga katuwang na Kalihim: DAISY DEL VALLE at MARIVIC GALVE
Ingat-yaman: MARYCRIS COCJIN
Mga katuwang na Ingat-yaman: MARGIE RAMIREZ at HAYLEY VERZOSA
Taga-suri: DENNIS ILAGAN
Mga katuwang na Taga-suri: RITA CRUZAT at DINNA CASAS
Tagapamahayag: DITTZ DE JESUS
Katuwang na Tagapamahayag: DORIS OLIVER
Ang mga Taga-payo ay sina DIONISIO ADARLO, GREG MENDOZA, AURELIO GALAMAY at HENRY GAYO.
ni: Dittz Centeno-De Jesus