Isang 17-anyos na estudyanteng Pinoy ang naging biktima ng pananaksak sa Piazza Testaccio sa Roma. Ayon sa ulat ng mga awtoridad, bandang alas tre y media ng hapon ng araw ng huwebes, ika-23 ng buwang kasalukuyan, nang makatanggap ng tawag ang Numero Unico d’Emergenza.
Agad na rumisponde ang ilang kapulisan at ambulansya at nadala sa pinakamalapit na ospital ang duguang biktima.
Ayon sa ulat, ang naging ugat umano ng lahat ay ang mainit na pagtatalo ng dalawang estudyante sa loob ng campus. Hindi nagtapos ang lahat dito at nagpatuloy pa nga hanggang sa Piazza Testaccio. Nagkataasan ng boses at nagkatulakan, hanggang sa may bumunot ng kutsilyo at nasaksak ang biktima Sa pahayag ng mga testigo, ang suspek ng pananaksak ay taga labas at hindi estudyante ng parehong paaralan. Kaibigan umano ito ng nakasagutan ng pinoy at nakisawasaw lamang sa gulo. Napagalaman na ang mga sangkot ay Egyptian at Tunisian nationals at ang huli ang may dalang patalim.
Patuloy pa rin ang isinasagawang maselang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabigyang linaw ang bayolenteng insidente kung saan mga menor de edad ang nasasangkot. Pansamantalang nagtalaga ng mga nagpapatrol na pulis sa lugar malapit sa paaralan upang mapangalagaan ang seguridad ng mga mag-aaral.
Nasa kamay na ng mga imbestigador ang mga cctv footages na magiging malaking tulong upang makumpleto ang kwadro ng buong pangyayari.
Ang pangyayaring ito ay nagsindi ng malawakang usapin patungkol sa segurdidad sa loob at labas ng mga paaralan, Panawagan ng mga magulang na mas paigtingin ang pagpapatrol ng mga kapulisan. Mas nadagdagan umano ang kanilang pangamba dahil sa ganitong mga pangyayari.
Nahaharap sa kasong attempted homicide ang suspek. Kasalukuyan namang nagpapagaling ang biktima. (Quintin Kentz Cavite Jr.)