in

Family Day 2015, ipinagdiwang sa Roma

Ang banal na Eukaristiya at pamilya ay magkaugnay. Lahat tayo ay bahagi ng iisang katawan.

 

Roma, Oktubre 20, 2015 – Naging matagumpay ang pagdiriwang ng taunang Family Day sa Roma na ginanap sa Pontificio Collegio Filippino noong nakaraang linggo.

Ang pagdiriwang ay sinimulan ng isang prusisyon sa loob ng hardin. Pinamunuan ang selebrasyon ni Fr. Ricky Gente, ang kasalukuyang Chaplain ng Sentro Filipino; ni Fr. Greg Gaston, ang Rector ng Collegio; kasama ang iba’t -ibang mga komunidad ng Pilipino sa Roma at mga kasapi ng iba’t ibang Religious Institutions at Business Establishments.

Ganap na alas 12 ng tanghali ay ipinagdiwang ang Banal na Eukaristiya ng mga kapariang Pilipino sa Italya na pinangunahan nina Archbishop Romulo Valles ng Davao, Archbishop Jose Palma ng Cebu, Bishop Gilbert Garcera ng Camarines Sur at Cardinal Chito Tagle na pawang nasa bansa at kasama sa nagaganap na Synod on the Family sa Vatican.Nakiisa din sa Misa si Msgr. Pier Paolo Felicolo, direttore dell’Ufficio Migrantes Diocesi di Roma. Naroon din sina H.E. Amb. Domingo Nolasco ng Phil. Embassy to Italy at H.E. Amb. Mercedes Tuason ng Phil. Embassy to the Holy See.

Sa homiliya ni Bishop Garcera ay inulit niya ang mga iniwang salita ni Papa Francesco noong bumisita ito sa Pilipinas kamakailan lamang. Tatlong mahahalagang bagay upang mapalakas ang mabuting relasyon ng bawat pamilya: Take time to rest (physically, emotionally and spiritually); to pray together and to act with Holiness. Dito ay inihalimbawa ang Banal na pamilya ng Panginoong Hesus, Santa Maria at San Jose.

Sa mabilis na ikot ng mundo at makabagong panahon madami ang panganib na nakaamba sa buhay ng isang pamilya kung kaya’t marapat lamang na pagnilay-nilayan ng bawat isa ang mga mensahe ng Santo Papa upang mas maging matatag at maproteksyunan ang ating mga mahal sa buhay’, ani ni Bishop.

Ang banal na Eukaristiya at pamilya ay magkaugnay. Dahil dito, naging mahalagang bahagi ng Banal na Misa ang pagbabasbas sa mga mag-asawa na nagdiwang ng kanilang anibersaryo at sinariwa ang kanilang mga marriage vows.

Pagkatapos ng Banal na Misa ay nagkaroon ng salu-salong tanghalian sa hardin ng Collegio. Isang masaya at masaganang pyesta na pinagsaluhan ng lahat. Samantala, bandang hapon ay ipinagpatuloy ang okasyon sa pamamagitan ng mga inihandang programa ng iba’t-ibang komunidad.

Tunay ngang kilala ang pamilyang Pilipino sa buong mundo bilang mga myembrong aktibo ng Simbahan at itinuturing na mga makabagong Misyonero na nagpapalaganap ng kadakilaan ng Diyos saan man sila mapunta. Kinikilala di lamang ang angking mabubuting kaugalian gayundin ang mga talento na sadyang kahanga-hanga at maipagmamalaki kaninuman. Higit ay ang ating pananaw at kaugalian ukol sa kasagraduhan ng pamilya. Mayroon tayong malalim na relasyon sa bawat isa kaya nga napakahalaga sa atin ng mga ganitong uri ng selebrasyon na lalong nagpapatibay ng samahan.

 

ulat ni: Lorna Tolentino

larawan ni: Romeo Boss Ramos

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Colf, naaksidente habang nagta-trabaho. Ano ang dapat gawin?

All in One group lumahok sa Around the World Dance Event