Nagsamasamang muli ang mga Pilipino sa San Vittorino upang ipagdiwang ang Family Day na inorganisa ng Sentro Pilipino kasama ng mga iba’t ibang komunidad na nasa ilalim ng pangangalaga ng nasabing Sentro.
Halos 1000 ang dumalo sa nasabing okasyon at sa pagkakataong ito, ang programa ay inumpisahan sa pagdarasal ng rosaryo para kay Maria at tulad ng nakasanayan, ang prosesyon ay natapos sa loob ng simbahan na kung saan ay isinasawaga ang Banal na Misa.
Mistulang fiesta ang San Vittorino na pinangalagaan ng mga boluntaryong italyano hanggang sa matapos ang okasyon. Ang presensya ni Ambassador Tuazon ng Philippine Embassy to the Holy See ay pinasalamatan ng husto niFather Romeo Velos, ang Chaplain ng Sentro Pilipino.
Organisadong cultural presentation ang ipinamalas ng mga pamilya, mga kabataan at ilang indibidwal at muli nilang ipinakita ang galing ng mga Pinoy sa pag-awit, pagsayaw, drama, palaro at iba.
Naging matagumpay ang lahat ng ito dahil sa ipinakitang pagkakaisa ng mga Pilipino kasama ng mga sponsors na tumulong upang makalikom ng pondo sa pamamagitan ng Finance Committee ng Sentro Pilipino.
Malaking tulong rin ang raffle tickets na binola ng araw na iyon habang isinagawa ang cultural program. Ang mga prizes ay maaaring makuha sa Sentro Pilipino.
Ang piyestang tulad nito ay patuloy na sinusuportahan ng mga Pinoy at naging paraan na rin upang magkasama-sama ang mga pamilya at komunidad. (Liza Bueno Magsino)