Diwa ng Integrasyon sa pamamagitan ng kultura, tampok sa Festa delle Cultura sa Catania.
Catania – Pinamunuan ng FilCom Catania ang kauna-unahang edisyon ng Festa della Cultura sa Catania nitong Setyembre na idinaos sa kilalang parke, ang Villa Bellini.
Sa pamumuno ni Leni Vallejo, ang presidente ng FilCom Catania, layunin ng pagtitipon ang sama-samang ipagdiwang ang tunay na diwa ng integrasyon, sa pamamagitan ng kultura at pagpapakita ng pagkakaisa na mahalagang susi ng kapayapaan at pagmamahalan.
Dinaluhan ang pagdiriwang ng ibat-ibang komunidad tulad ng Senegal, Eritrea, Sri Lanka, Mauritius, Bangladesh Indians at Filipino Community ng Enna na pinangungunahan nina Nina Mayette at Roger Arriola.
Hindi sukat akalain ng mga organizers na ang pagdiriwang ay dadagsain ng mga manonood.
Sinimulan sa pamamagitan ng isang parade at sinundan ng mayamang programa kung saan nagpamalas ng kani-kanilang talento sa pag-awit, pagsasayaw at pagtugtog ng ibat-ibang istrumento.
“Sa katunayan, nakakapanindig balahibo na makita ang ibat ibang nasyunalidad na magkakasamang umaawit ng kani-kanilang pambansang awit”, ayon kay Leni.
Sinundan pa ito ng pag-awit ng “One Voice” ni Zoxini Acopiado kasama ang ilang kabataang nais ipabatid ang pangarap na magkaroon ng kapayapaan, kaginhawaan at pagmamahalan sa buong sangkatauhan.
Panauhing pandangal ang pambatong mang-aawit na si Mr, Armand Curameng, ang tinaguriang Pinoy Concert King ng Italia, na nagbuhat pa sa Palermo.
Bukod sa mga tradisyunal na awitin at sayaw ng bawat nasyunalidad na dumalo ay nagtampok rin ng maraming typical products ang bawat nasyunalidad sa iba’t ibang stands.
Lakip ng tagumpay ng unang Festa delle Culture, ay buong pusong pasasalamat ang hatid ng FilCom Catania sa mga kasamahan sa Catania Interculturale na binubuo nina
Amal Thissera, Raffaelle Beraki, Sonia Alom, Raynald Melinte, Mndaye Sarr, Emanuele Sammartino at Angela Battista ng Cgil Ufficio Immigrati ng Catania na katuwang upang maisakatuparan ang nasabing aktibidad.
Tunay na makasaysayan ang naging pagdiriwang dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtipon ang iba’t-ibang nasyunalidad upang maipakita at maipamalas sa mga taga Catania, bukod sa talento ay ang yaman ng kulturang dala na maaaring maibahagi ng mga ito.