Bumida ang Filipino Community sa katatapos lamang na Oriental Expo 2023 ng World Intercultural Organization noong March 5, 2023 sa Roma.
Sa nasabing okasyon ay itinampok ang mayaman at makulay na cultural presentation ng iba’t ibang mga komunidad mula sa mga Oriental countries. Kasama ng Pilipinas ang mga bansang China, Sri Lanka, Morocco at Tunisia ay naghatid ng isang gabing mayaman sa kultura, siksik ng mga kaalaman at pagkakaisa ng mga participating countries.
Bahagi ng programa ay ginanap ang Festival delle Filippine, na inorganisa ng grupong D’ART Phils Talent Discoveries and Entertainment na pinangungunahan ni Arnel Teves, ay umani ng mga papuri sa nasabing okasyon.
Humigit kumulang na isang oras na pagtatampok sa kultura ng Pilipinas at talentong Pilipino ang hinangaan ng publiko. Sinimulan ng mga kabataang mula 4 hanggang 18 anyos ng grupo ng Pinoy Teens Salinlahi ang cultural presentation. Kanilang ipinamalas ang mga folk dances tulad ng Singkil, Tiklos, Pandango Riconata, Subli at Tinikling. Hindi naman nagpahuli ang mga mahuhusay na singers na sina Danica Deomampo, Hilary Pancho, Al Carbonel (kasama ang mga winners ng Bb. Pilipinas Italy), Maricel Bihis at Rebecca Cuasay. Nakaingganya rin ng husto ang mga indak ng GRC Majorettes, Zumba Mommies at Young Hearts.
Partikular, kahanga-hanga ang naging presentasyon ng mga traditional at contemporary designs ng mga inirampang filipiniana costumes ng mga designers na sina Roderick Bangkot, Noli Sta. Isabel at Maribeth Flandez.
Dinaluhan ang nasabing okasyon nina Ambassador Myla Macahilig ng Philippine Embassy to the Holy See, Consul Nadine Morales ng Philippine Embassy to Italy kasama sina Cultural Officers na sina Janet Hizon at Wennie Berganio. Si Pia Gonzalez-Abucay, ng Akoaypilipino.eu newspaper, ang naging host ng Festival delle Filippine.
Sa kabila ng kapos sa panahon ay tagumpay ang naging presentasyon. Ito ay nag-iwan sa publiko ng husay ng mga Pilipino. Lubos din ang pasasalamat ng mga organizers (Ulysses Regio, Arnel Tevez, Dita Bagos, Elisabeth Dequilla at Jesusa Dimalanta) sa mga nakiisang mga grupo at sumuportang mga sponsors. (PGA – larawan ni: Dexter Gonzalez)