Ginanap kamakailan sa Roma ang maituturing na isa sa pinakamalaki at pinakamahalagang kaganapan ng komunidad, di lamang sa larangan ng kultura bagkus pati sa larangan ng moda.
Oktubre 23, 2013 – Pinangunahan ni Ambassador Virgilio Reyes Jr. ng Embahada ng Pilipinas sa Italya, ni Mrs. Marie Luarca-Reyes, ang Executive Director ng ENFID o European Network of Filipino Diaspora, ni Consigliere Romulo Salvador ng Gruppo Aggiunto ng Roma Capitale at ni Michele Piacentini ng “Les Artistes” ay inilunsad ang FIBRE FILIPPINE go to Rome, ang apat na araw na pagtatanghal sa mga pangunahing eco-fiber ng Pilipinas tulad ng Pina, Abaca at Banana buhat sa mga pinaka kilalang Filipino designers sa buong mundo sa larangan ng ‘moda’. Sina Dita Sandico – Ong , Anthony Cruz Legarda , Patis Tesoro , Renee Salud , Jaki Peñalosa at Cristina Ferraren ay ipinakilala ang kani-kanilang collection mula casual wear hanggang evening gowns at lalong higit ang traditional filipiniana dress at barong tagalog.
Habang ang paggamit sa mga nabanggit na fiber bilang accessories ay ipinakilala naman sa pamamagitan ng iba’t ibang produkto nina Elm’s Accessoria de Casa mula Quezon City, Gida’s Tnalak International, Cacharel Apparel de Manila, Kath’s handicraft, Twinkle Ferraren at marami pang iba.
Sa isang press conference na ginanap noong Oktubre 16 sa sala Carroccio ng Campidoglio ay opisyal na inilahad ang proyekto at ipinakilala isa-isa ang mga designers kasabay ng kanilang pagtugon sa mga katanungan ukol sa fiber, ang paghabi ng mga ito sa kamay, ang pagiging partikular at makalumang pamamaraan sa pangangalaga nito gayun din pagiging “competitive” ng mga designers na nagbibigay halaga sa mga produktong ito. Tinalakay din ang presyo nito sa merkado.
Bukod sa promosyon ng mga produktong nabanggit, na kasalukuyang ipinagmamalaki ng bansang Pilipinas, tatlong mahahalagangng layunin ng proyekto ang binigyang diin ng mga organizers at mga designers: layuning ekonomikal sa Pilipinas; ang pagyamanin pa ang produksyon ng mga produktong ito at samakatwid pagbibigay ng higit na trabaho sa mga nangangalaga nito; layuning sosyal, upang higit na maitaas ang imahine ng Pilipinas at ng mga Pilipino sa mundo; at layuning kultural, di lamang sa pamamagitan ng isang fashion show bagkus ang ipakilala ang likas yamang ito sa bansang Italya.
Binigyang-diin rin ang nakalulungkot na trahedyang tumama sa Bohol at Cebu at bahagi ng malilikom na pondo sa 4 na araw na pagtitipon ay ilalaan sa mga naging biktima ng lindol.
October 17 ay ginanap ang unang araw ng fashion show sa Circolo Ufficiale della Marina (Lungotevere Flaminia) na dinaluhan upang magmasid, ng mga kinatawan mula sa pinaka kilalang ‘tatak’ sa Italya tulad ng Valentino, Gucci, Salvatore Ferragamo at Miu Miu, iba’t ibang Kinatawan buhat sa maraming Embahada sa Roma. Isang karangalan rin na maging isa sa mga model si Sarah Baderna, ang Miss Italia sa ginanap na Miss Mondo 2013 sa Indonesia kung saan nakatunggali si Megan Young. Naging bahagi rin sa unang araw ng pagdiriwang ang Philippine Rondalla buhat pa sa Pilipinas at ang ipinagmamalaking Kayumanggi Dance Group, na kasalukuyang nagdiriwang ng ika-31 taon ng serbisyo sa Filipino Community sa Roma.
Kabilang ring dumalo ang mga Kinatawan buhat sa Roma Capitale, at ang mga tanyag na pangalan sa komunidad tulad ni Lolita Valderrama, isang Pinay painter sa Firenze.
Sinundan ang mahalagang pagdiriwang ng 3 araw na exhibit at fashion show sa Aranciera di S. Sisto sa Caracalla Roma na opisyal na binuksan ni Assesor Paolo Massini sa Public Works ng Roma Capitale. Ang exhibit ay bukas sa publiko, kung saan nagbigay rin ng pagkakataon na matunghayan ang mga produktong gawa sa kamay buhat sa abaka, pina at saging ng mga exhibitors. Tatlong araw na puno ng programa at aktibidad.
Nagtanghal sa huling araw ng programa, kung saan dumalo ang maraming Pilipino at mga Italians, sa pangunguna ni Armand Curameng, si Diwa De Leon buhat sa Pilipinas, ang mga local artist tulad ng mag-amang Boyet at Melisse Abucay, Grace Serafini, Tonino Galasso, Pinoy Teens, Tahjack Tikaz at Kasarinlan marami pang iba.
Partikular ang ginawang Motorcade Vintage Vespa/Fiat ng Bici/Baci , isang parade ng mga Vespa motorcycles sa pangunguna ni Ambassador Virgilio Reyes mula sa Via Cavour patungong Aranciera.
Ang mga casual wears, evening gowns, filipiniana dresses at mga barong tagalog sa apat na araw na fashion show ay isinuot ng mga piling Italian at Pinoy models ay buhat sa mga designers na sina: Anthony Cruz Legarda, Dita Sandico Ong, Patis Tesoro, Renee Salud, Jaki Penalosa, Twinkle Ferraren.
Ang naging fashion show ay pinangalagaan ni Raymundo Villanueva, buhat sa Pilipinas.
Ang Piña at Abaca, kinikilalang matibay na mga fibers, at tanyag sa maraming gamit nito, at di tulad ng silk na maaaring matagpuan sa malaking kwantidad, ang mga ito ay matibay na fiber tulad ng linen at samakatwid ang paggamit ng mga ito ay nangangahulugan din ng pagbibigay halaga sa likas yaman ng Pilipinas. Isang temang partikular na tumutukoy sa kultura ng bansa.
Bilang pagtatapos, bukod sa naging tagumpay ng 4 na araw na maituturing na kauna-unahang kaganapan sa Roma at buong Italya na nakatutok sa Filipino fibers ay inaasahan ang tunay na paglaganap ng kultura at likas yaman ng Pilipinas at ganap na pagkilala at pagtitiwala sa husay ng mga Pilipino sa larangan ng moda. Inaasahan na ang mainit na pagtanggap ng Italian institutions, authorities at mga naging panauhin ay makatugon sa naging layunin ng mga organizers ng pagdiriwang. (ulat at larawan sa pakikipagtulungan ni Stefano Romano)
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]