Isang 20 anyos na may dugong Pinoy ang muling magbibigay karangalan sa komunidad ng mga Pilipino sa Italya. Si Mario Meddi Cordioli Valencia ay anak ng isang pilipina, si Alma at ng isang italyano (Veronese), si Miro, na walang humpay ang saya at pasasalamat nang mapili ang anak na isa sa mga manlalaro ng Philippine Football Team U-23, o mas kilala sa tawag na AZKALS, ang national soccer team ng Pilipinas.
Sa Puerto Princesa unang nakilala ni Mario ang football. Ngunit sa Verona, kung saan nakatira ang kanyang ama, ay natuklasan at nahiligan niya nang tuluyan ang football hanggang kalaluan ay naging tifoso ng ‘Inter’.
Nagsimulang maglaro si Mario sa Scuola Calcio di Montorio at sa murang edad pa lamang ay nakitaan na ng potensyal sa larong football. Ang kanyang husay bilang midfielder ay napansin at hindi pinalampas ng Chievo Verona, na nagpasyang gawin siyang official player. Sa team na ito naglaro si Mario ng ilang taon sa youth sector. Pagkatapos ay naglaro din siya sa Villafranca sa loob ng maikling panahon. Sa kasalukuyan siya ay atleta ng Montorio na naglalaro sa Excellenza (fifth level regional league) kung saan naglaro ng 8 leagues at 1 Italian Cup. Hanggang sa makatanggap ng tawag mula sa Philippine National Team upang opisyal na mapabilang sa Philippine Azkals.
Sa isang panayam ay sinabi ni Mario na hindi niya inaasahan ang tawag na ito. “Parang isang panaginip”, aniya. “Anuman ang mangyari, ito ay isang tagumpay na para sa akin”.
Lubos ang kaligayahan ni Mario, ng kanyang mga magulang at mga kaibigan. Maligaya din ang kanyang Montorio team na matagal na sinubaybayan ang kanyang husay, tulad ng mababasa sa social media post ng team. (PGA)