Muling naging bahagi ng makasaysayang Festa dei Popoli ang Filipino Community sa Roma sa ika-25 taong pagdiriwang nito.
Roma, Mayo 17, 2016 – Aktibo ang naging partesipasyon ng mga Pilipino, sa pangunguna ng Fr. Ricky Gente, ang Chaplaincy ng Sentro Pilipino sa Santa Pudenziana, sa ginanap ang ika-25 edisyon ng Festa dei Popoli noong nakaraang Linggo May 17, sa plasa ng San Giovanni in Laterano, sa Roma. Ito ay pinangunahan ng Scalabrinian Missionaries sa pakikipagtulungan ng Uffico Pastorale delle Migrazioni at ng Caritas Roma.
“Chiesa Senza Frontiere” ang tema ng pagdiriwang na dinaluhan ng libo-libong katao buhat sa 40 nationalities at 150 grupo at asosasyon na muli ay magsama-sama upang ipakita ang kani-kanilang pananampalataya, tradisyon at kultura sa pamamagitan ng pagkain, kasuotan, sayaw, awitin na pawang katangian ng bawat komunidad.
Umaga pa lamang ay abala ang bawat komunidad sa pagsasa-ayos ng kani-kanilang stand. Kabilang na dito ang Santissimo Redentore Filippino Community na taun-taon ay naghahanda ng ating Philippine stand na nagtampok ng mga native handicrafts, filipiniana dress at poster ng magagandang tanawin sa Pilipinas. At siyempre, hindi mawawala, ang masaganang tanghalian.
Bukod dito ay abala rin at bahagi ng organisasyon ang ilang miyembro ng komunidad: sa security, reception at program.
Ganap na alas dose ng tanghali ng ipinagdiwang ang banal na misa na pinangunahan ni Cardinal Francesco Montenegro, ang president ng Commissioni Cei per le Migrazioni e della Fondazione Migrantes. Ang Center Cluster Grand Choir ay kasamang kumanta sa misa, sa entrance song at Luwalhati.
Samantala, bago simulan ang mayaman at makulay na programa, ang makabagbag damdaming awitin ng ‘Arrivederci Roma’ ay sinabayan ng wagayway ng mga watawat ng lahat ng bansang bahagi ng pagdiriwang.
“Napakagandang pagmasdan!”, ayon kay Rommel, isang turista buhat sa Poland habang hawak ang kanyang camera.
Sa taong ito, sa unang pagkakataon, dalawa sa apat na host ng programa ay mga kabataang Pilipino, sina Ryan Asinas at Jeneca Mangayo.
Ang pagtatanghal ay puno ng kulay, awitin at sayaw tanda ng isang “Bagong Mundo, isang mundong handang tumanggap at hindi ang mundong tumatanggi at naglalagay ng distansya. At upang tuluyang mabuo ang bagong Mundo na ito, ay nangangailangan ng mahalagang partesipasyon buhat sa bawat isa”, ayon kay Cardinal Montenegro.
ni: PGA
larawan ni: Stefano Romano