in

FILCOM NG TERNI AT EMPOLI, NAGSAGAWA NG SANTACRUZAN

Mga tradisyong Pilipino patuloy na isinusulong sa Italya.

Florence – June 14, 2013 – Ang kultura at  ang atin ng mga kinagisnang tradisyon sa Pilipinas ay resulta ng mga pinaghalong impluwensya mula sa mga katutubong  unang nangalakal at nanakop sa ating lupain daan daang taon na ang nakakaraan.   Ang pananakop ng mga Kastila sa ating bansa, na tumagal ng mahigit 333 taon, ay ang may pinakamalaking kontribusyon sa Kultura ng ating bansang Pilipinas.  Isa sa mga tradisyong ito na maituturing natin na pinakakaabangan ng maraming Pilipino taun-taon ay ang Santacruzan o Sagala.  Pangkaraniwan na sa ating mga mata noong tayo ay nasa Pilipinas pa na makakita ng nagsasagawa ng Santacruzan sa halos lahat na yata ng kalye at kalsada sa buong kapuluan ng Pilipinas tuwing sasapit ang buwan ng Mayo.

 

Ang Santacruzan ay isang pagdiriwang na dinala ng mga Espanyol sa Pilipinas daan daang taon na ang nakakaraan at sa kinalaunan, ito ay naging bahagi na ng tradisyon nating mga Pilipino.  Ito ay tumutukoy sa isang prusisyon na isinasagawa upang isalarawan ang paghahanap ni Reyna Elena, ang ina ni Emperador Constantino, sa krus kung saan ipinako at namatay si Kristo.  Pinaniniwalaan na noong taong 326 A.D. si Reyna Elena ay nagsagawa ng  paglalakbay sa Banal na Lugar upang hanapin ang Banal na Krus kung saan mismo binawian ng buhay si Kristo.  Matagumpay naman niyang nahanap ang nasabing Banal na Krus at sa kanyang pagbabalik ay nagkaroon ng isang masayang pagdiriwang at parada.

 
Nakakatuwang isipin na nakaya ng ating mga kababayang Pilipino na patuloy na maisulong ang ilan sa mga tradisyong Pilipino kahit sa ibang bansa katulad nga ng Santacruzan.  Kung ating lubos na pag-iisipan, hindi ganoon kadali na magsagawa ng ganitong uri ng mga pagdiriwang lalo na kung pag-uusapan ang bansang Italya.  Marami at mabusisi ang paghingi ng mga kaukulang permit mula sa mga lokal na pamahalaan dito lalo na kung ito ay isasagawa sa mga pampublikong lugar tulad ng mga kalsada.
 

Sa kagustuhan ng ating mga kababayan na maipagpatuloy ang pagsasagawa ng mga Pilipinong tradisyon katulad ng Santacruzan, hindi naging balakid ang mga pagkuha ng permit at kaukulang koordinasyon sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan ng nasasakupang siyudad sa  Italya upang ito ay maisakatuparan.  Sa katunayan, ang Santacruzan sa mga panahong ito ay regular ng isinasagawa ng iba’t-ibang Filipino Community groups sa buong Italya taun-taon.
 
Noong nakaraang Mayo 26, 2013, magkasabay na nagsagawa ng Santacruzan ang San Francesco Filipino Community ng Terni (rehiyon ng Umbria) at FILCOM Empoli (rehiyon ng Tuscany).  Ito ay kanilang isinagawa mismo sa mga importanteng kalsada ng kani-kanilang

siyudad. Matagumpay na naidaos ang dalawang nasabing Santacruzan sa dalawang magkaibang lugar at rehiyon sa Italya.  Malaki ang pasasalamat ni Don Crisostomo Cielo Crisostomo, Jr. ng Catholic Filipino Chaplaincy of Empoli sa ipinakitang suporta at pagkakaisa ng mga Pilipino sa Empoli sa pagdadaos ng Santacruzan sa nasabing bayan.  Wala rin mapaglagyan ng tuwa si Ms. Lyza Buhayan Moreno, kasalukuyang Presidente ng komunidad sa Terni sa mainit na partisipasyon ng mga Pilipino sa Santacruzan na naganap doon at sa malaking tulong din na naimbag ni Fr. Rex Fortes, ang paring regular na nagdadaos ng banal na misa sa wikang Tagalog sa nabanggit na lugar.
 
Mabuhay ang lahat ng mga Filipino Community Groups sa buong Italya at sa buong mundo! (ni: Rogel Esguerra Cabigting)
 
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

IKA-115 TAONG ANIBERSARYO NG ARAW NG KALAYAAN NG PILIPINAS, MASAYANG GINUNITA SA ROMA

Citizenship – Mas simpleng pamamaraan sa mga ipinanganak sa Italya, aprubado