Tema ng selebrasyon: Konting Hakbang ng Pag-Asa Para sa Nagkakaisang Mundo
“Festa Dei Popoli” o Piyesta ng Mamamayan, taunang selebrasyon na isinasagawa sa buong Italya tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, isang pagdiriwang na ikinakampanya ng Caritas. Sa siyudad ng Terni, ang nasabing selebrasyon ay isinagawa ng Comune di Terni at Associazioni Cristiane Lavoratori Italiani (ACLI) sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang mamamayang dayuhan na kasalukuyang naninirahan sa nasabing siyudad kasama na ang mga Pilipino. Layunin ng taunang selebrasyon ang magkaroon ng kaalaman ang mga mamamayang Italyano sa mga gawi at kultura ng iba’t-ibang mga dayuhang mamamayan na nakatira sa Terni. Ang pagkakaiba ng kultura ng iba’t-ibang bansa ay hindi sapat na dahilan ng hindi pagkakaroon ng pagkakaisa at pagkakaunawaan ng bawat mamamayan na naninirahan sa siyudad, maging Italyano man ito o isang dayuhan. Ang selebrasyon ay isinagawa nitong ika-22 ng Mayo 2011 sa teatro ng Parrocchia Nostra Signora di Fatima sa Via Gabelletta na matatagpuan sa misyong sentro ng siyudad ng Terni.
Ang delegasyon ng mga Pilipino ay pinangunahan ng kasalukuyang Presidente ng San Francisco Filipino Community sa Terni, si Ms. Neneth Magmanlac kasama ang kuponan ng mga batang Pilipino na nagpamalas ng kanilang kakayahan sa pagsayaw ng Cariñosa, isa sa ating katutubong sayaw. Sila ay binubuo nina: Angelica Napa, Alessandro Dalisay, Kristine Moreno, Zacky Tibig, Alyson Moreno, Jeff Castillo, Aljon Ortega, at Kim Kaibigan. Nag-alay din ng isang kantang Pilipino si Mr. Alfonso Salem, Jr., “Ang Bayan Ko,” kasama ang bagong band group ng Terni na binubuo ng mga kabataang Pilipino: Marvin Ilao, Kervin Ilao, Christopher Dalisay ay Cristian Atienza. Ang lahat ng nanood sa presentasyon, Italyano man o hindi, ay humanga sa mga Pilipino dahil sa mga talentong kanilang ipinakita, maging sa pagsayaw man o pagkanta. Mabuhay ang mga Pilipino sa Terni! Mabuhay ang mga migranteng Pilipino sa Italya! (ni: Rogel Esguerra Cabigting)