Linggo, ika-16 ng Hunyo 2024, isang makulay at matagumpay na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan 2024 ang isinagawa ng FILCOM Tuscany.
Sa pagbubukas ng pagdiriwang, na pinangunahan nina Wilfredo Punzalan at Dennis Arcilla Reyes, nagsagawa ng parade ang lahat ng kasamang limampung asosasyon sa FILCOM Tuscany.
Puno ng sigla ang mga anchors at emcees na sina Willy Punzalan, Judee Barcenas, Tess Abrigo, Renz Ortega, Janice Alindayo, at Leo Piñon. Pormal nang sinimulan ang pagdiriwang, matapos ipakilala ang mga organisasyon.
Muling itinaas ang bandila ng Pilipinas, simbolo ng paggunita sa makasaysayang unang pagdeklara ng kalayaan ng Pilipinas noong 1898 sa Kawit, Cavite.
Umalingawngaw sa venue ang boses ng tampok na pinoy baritone na si Joseleo Logdat, na nanguna sa pagkanta ng Lupang Hinirang. Matapos magbigay pugay sa bandila, sumunod ang pag-alay ng korona at mga bulaklak sa harap ng busto ng pambansang bayaning si Jose Rizal.
Ang pagdiriwang na ito sa pangangasiwa ng FILCOM Tuscany ay bahagi ng sunod-sunod na pagdiriwang ng iba’t ibang rehiyon matapos ipagdiwang sa Roma ang Araw ng Kalayaan noong ika-9 ng Hunyo. Bilang tradisyon, nauunang magdiwang ang Roma bago ang iba pang mga rehiyon sa Italya.
Nagpaunlak din sa imbitasyon ng komunidad ang singer na si Camille Cabaltera na nakasuot ng pulang filipiniana. Sa pagpapatuloy ng programa, kinanta niya ang “Ako ay Pilipino” na lubos na hinangaan ng lahat at nagbigay ng karagdagang emosyon sa pagdiriwang.
Nag-alay din ng kantang makabayan si Tessy Pendergat, at sa himig ng “Isang Lahi” ni Annalisa Buenaventura, mas lalong naipadama ang tunay na kahulugan ng pagkakaisa.
Nagkaroon ng maraming intermission numbers at nabigyang pagkakataon ang ilang mga importanteng panauhin na bumati sa komunidad. Dumalo sina Hon. Consul General Fabio Fanfani, kandidata sa pagka-alkalde ng Firenze na si Gng. Sara Funaro, city councilor Alessandra Innocenti, San Marino Ambassador Marco Delli sa Panama, at bagong halal na presidente ng Quartiere 1 sa Firenze na si Mirco Dinamo Rufilli.
Napakagandang pagmasdan ang sabay-sabay na pagwagayway ng mga Philippine flags kasabay ng mga awiting puno ng kahulugan tungkol sa pagmamahal sa Perlas ng Silangan. Sa pamamagitan ng ilang awiting makabayan, ipinagbunyi, dinakila, at pinahalagahan ang kalayaang tinatamasa ng sambayanang Pilipino. Iisa ang naging tema ng mga mensahe: ang pasalamatan ang mga nagbuwis ng buhay para makamtan ang kalayaan. Binigyang-diin din ang tungkulin ng bawat Pilipino na pangalagaan ang pinaglabang kasarinlan ng bansa at tiyakin na hindi na muling magpapatinag sa bantang pananakop, pananakot, at pang-aapi ng mga dayuhan.
Bago matapos ang pagdiriwang, nagbigay ng ilang recognition awards ang pamunuan ng FILCOM Tuscany. Ilang pensyonadong OFWs na nagsilbi sa komunidad ng mahabang panahon ang pinarangalan, pati na rin ang ilang local athletes na nagdala ng dangal sa rehiyon ng Toskana dala ang bandila ng Pilipinas.
Lubos din ang pasasalamat ng FILCOM Tuscany sa presensya ng ilang patrol ng kapulisan sa venue. Pati sa isang ambulansya ng medical rescue team ng Croce Viola ng Sesto Fiorentino upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng pagdiriwang.
Pangako ng FILCOM Tuscany na mas papalakasin ang komunidad ng mga OFWs sa rehiyon upang mas mapabuti ang kalagayan ng mga kababayang nasa mas mahirap na kundisyon ng pamumuhay. Dahil sa bisyong ito, magpapatuloy ang mga programang pangkomunidad at hindi magtatapos sa closing remarks ng pagdiriwang. Ang Kalayaan ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang malaking responsibilidad at pagkakataon na suriin ang mga hamon at suliranin na kinakaharap natin bilang isang komunidad. May pananagutan ang bawat isa sa kanyang kapwa. Tungkulin ng bawat mamamayan na magpalaya ng kapwa, at ito ay maisasakatuparan lamang pag nagkaroon ng mas malawak na pag-unawa at pagkakaisa: sa isip, sa salita, at sa gawa.(Quintin Kentz Cavite Jr. – Photo credits: AQO Photography)