“Nagkakaroon ng pagkakaisa ang mga Filipino for a common good”
Milano, Nobyembre 5, 2015 – Maituturing na mga bayani ang mga Pilipino sa Milan dahil sa kanilang adbokasya na pagdo-donate ng dugo upang makatulong sa mga pasyente na nangangailangan nito.
Itinuturing na isa sa mahusay ng polyclinic hospital sa buong Europa ang Ospedale Maggiore Policlinico di Milano e Mangiagalli sa Milan Italy, kung saan isinasagawa ang blood letting sa pamamagitan ng Filipino Blood Donors of Milan (FBDM) na binuo ni Mrs Tessie Acuña noong nakaraang taon.
Pangunahing layunin ng mga miyembro ng nasabing grupo ang makatulong sa kapwa tao. Ang ilan naman ay bilang paraan ng pasasalamat, kabilang na din ang malaman ang kalagayan ng kalusugan.
Sa isang panayam kay Acuña, ang adbokasiya sa donasyon ng dugo ay nagsimula taong 2011 ng siya ay humingi ng tulong sa mga kababayang Pilipino para mag-donate ng dugo sa kanyang asawang may kanser sa buto. At dahil may grocery store, bukod pa sa pagiging interpreter sa tribunale at mga paaralan, ay maraming kaibigan at kakilala ang kanyang nalapitan, kabilang na rin ang ilan sa mga miyembro ng Alpha Phi Omega.
Dahil sa karamdaman, itinuring na pangalawang tahanan ng asawa ni Acuña ang polyclinico ng higit sa limang taon dahil sa chemotherapy. “Kinupkop nila na parang anak ang asawa ko, inalagaan siya ng husto”, dagdag pa ni Tessie.
Maliban sa matiyagang maghanap si Acuña ng mga blood donors ay hindi ito nawalan ng pag-asa at pagtitiwala sa Diyos na mailigtas ang kanyang asawa at nakamtan nila ang kahilingan.
Bilang pasasalamat ay itinatag ni Acuña ang grupong FBDM. “This is one of the best decision in my life, and I am very happy for this”, dagdag pa nito.
Sinuportahan naman ang kanyang hangarin, hindi lamang ng mga Pinoy kundi pati ng iba pang mga lahi, na boluntaryong nagbibigay ng kanilang dugo sa naturang polyclinic hospital.
Sina Anabel Torres, Nora Pame, Joy Alexis Peren, Marife Delos Reyes, O’neil Castillo at Jimmy C. Monsanto ay ilan sa mga kababayan natin na nag donate ng tig 420ml na dugo ang nakapanayam ng Ako ay Pilipino.
Samantala, ayon kay Sam, isang OFW, ay magbibigay sana siya ng dugo noong September subalit siya ay bumagsak sa blood examination dahil nakita ang kanyang low blood pressure. Makalipas ang ilang buwan ay nagbalik sa normal ang kanyang blood pressure at nakapag-donate na rin siya ng dugo.
“Dati ako nagkaroon ng sakit sa dugo, kaya sinusuklian ko din sa pamamagitan ng pagdo-donate ng dugo para makatulong sa ating kapwa”, dagdag pa ni Sam. Kabilang rin ang negosyanteng Italyano na si Silverio Burgonovo, na mahigit ng 80 beses ng nagbigay ng kaniyang dugo, mula noong siya’y binata hanggang sa naging pamilyado.
At sa pamamagitan ng social networking site ay nagkaroon ang FBDM ng group page. Dahil dito ay nadiskubre sila ng mga ibang nationalities sa Milan tulad ng mga Italians, South Americans, Japanese at iba pa at sila ay sumali at nakiisa sa kampanya ng grupo.
Patuloy ang panawagan ng founder ng FBDM sa buong mundo lalong lalo na sa Pilipinas na kung maari aniya ay makarating sa kanila ang mensahe ng sinimulang blood donation campaign sa Milan.
“Sana maliwanagan po kayo kung gaano kahalaga ang pagdo-donate ng dugo, bukod sa makakasalba ng buhay, ay malalaman din kung healthy kayo at sana maging bahagi ito ng ating kultura”, pagwawakas ni Tessie Acuña.
ni Chet de Castro Valencia
Larawan ni Jesica Bautista