in

Filipino Community, aktibo sa paggunita sa Mahal na Araw sa Roma

Aktibo ang naging partesipasyon ng Filipino Community sa Roma sa paggunita ng Mahal na Araw, partikular ang grupong Buklod Magnificat sa kinabibilangang parokya, ang Parrocchia Sant’ Antonio di Padova alla Circonvalazione Appia. 

 

 

Aktibo ang naging partesipasyon ng Filipino Community sa Roma sa paggunita ng Mahal na Araw, partikular ang grupong Buklod Magnificat sa kinabibilangang parokya, ang Parrocchia Sant’ Antonio di Padova alla Circonvalazione Appia.

Tulad ng kinagisnan ng mga Pilipinong Katoliko, ang Mahal na Araw ay panahon ng paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Dahilan ng pagiging tanyag ng ating bansa sa pagkakaroon ng Senakulo o ang pagsasadula sa pasyon o paghihirap ni Kristo tuwing Mahal na Araw. At ito ang ipinamalas ng isang grupo ng mga Pilipino, ang Buklod Magnificat, sa naging mahalagang partesipasyon nito sa mga aktibidad ngayong Mahal na Araw ng Parrocchia di San Antonio di Padova alla CirconvalazioneAppia, partikular ang pagsasadula sa Istasyon ng Krus.

Napag-isipan ito ng bagong parish priest na si Padre Antonio di Tuoro at inatasan ang Buklod Magnificat na magsagawa nito. “Malaki ang tiwala ni Padre Antonio sa kakayahan ng mga Pilipino na kasapi ng Buklod Magnificat,” ayon kay Fr. Sanny Sanedrin, ang Spiritual Adviser ng grupo.

Agad namang pinaghandaan at nagsanay ang grupo sa gabay na rin ng kanilang Sprirtual Adviser.

Kasabay ng prusisyon at pagdarasal ay isinadula ng mga Pilipino ang mga Istasyon ng Krus, na tila isang tunay na Senakulo. Ito ay dinaluhan ng mga pari, madre at mga mananampalatayang Pilipino at mga Italyano.

Halos tatlumpung mga Pinoy ang gumanap at sa kabila ng lamig at hangin ay naka-costume ang mga ito upang bigyang higit na buhay ang pagsasadula, mula kay Kristo na ginampanan ni Marvin Ortega, Birheng Maria na si Rosalyn Pablo Yuzon, Veronica na si Gracia Marquez, mga punong pari ng mga Hudyo, mga sundalong Romano at kasama ang mga miyembro ng Buklod Magnificat.

Humanga hindi lamang mga madre at paring Italyano, bagkus pati mga mananampalatayang nakasaksi sa unang pagkakataon ng pagsasadula ng Istasyon ng Krus.

Bukod sa pakikiisa ay ipinakita rin ng grupo na walang hahadlang sa integrasyon at lalong higit sa pananampalataya, anuman ang lahi, edad o wika. Sa katunayan, ang mga panalangin ay ginawa sa dalawang wika: Italyano at Tagalog.

Tulad ng naging panimula, pasasalamat sa Filipino community ang pagwawakas na pananalita ni Padre Antonio. “Salamat sa pakikisa at pangunguna ng Filipino Community Buklod Magnificat sa pananalanging ito ngayong Mahal na Araw. Ang ating ginawang sama-samang pagdarasal, sa panahon ng pagsisisi, pag-aayuno at pagsasakripisyo ay maging daan nawa ng ganap na pagbabago ng ating mga buhay”, pagtatapos nito.

Ang Buklod Magnificat ay nasa ikalawang taon na sa Parrocchia di San Antonio di Padova alla Circonvalazione Appia. Mayroong halos 200 miyembro ang Buklod Magnificat, isang samahan ng mga namimintuho sa Mahal na Inang Birheng Maria na may hangaring palaganapin ang “Marian dimension” ng ating pananampalataya at paghubog ng “Marian spirituality”.

Ang Buklod Magnificat ay isang organisadong kaakbay at kalakbay sa misyon at apostolado ng pinagpalang abang instrumento ng Mahal na Inang Birheng Maria na si Rosalyn Pablo Yuzon.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

April 10, duedate sa pagbabayad ng kontribusyon sa Inps ng mga colf

Barrio Fiesta II, malapit na!