Roma, Marso 24, 2013 – Isang simpleng primary elections lamang ng PD upang malaman kung sino ang itatakbo ng partido bilang Mayor sa Modena. Ngunit makalipas ang March 2 primary elections, matapos lumabas ang pangalan ni Gian Carlo Muzzarelli bilang kakandidatong alkalde ay hindi lamang naging maingay ang kanyang pagkapanalo bagkus ay samu’t saring isyu ng dayaan ang lumabas na diumano’y naging dahilan ng pagkapanalo nito lalong higit sa seggio 2 ng via Padre Candido.
Sa kasamaang palad, sangkot sa mainit na usapan hanggang sa kasalukuyan ang maraming migrante kabilang ang Ghanaians, Senegalese at ang Filipino community sa lungsod.
Libreng tanghalian, hatid-sundo sa pagboto at 2 euros refund diumano ang inialok sa mga Pilipino at ilang lahing walang trabaho upang mahikayat ang mga ito na bumoto para sa primary elections ng PD sa pamamagitan ng isang consigliere comunale na si Maurizio Dori. Ito ang akusasyon ni Francesac Maletti na natalo ng 700 votes sa naging eleksyon.
Mga bagay na hindi naman pinabulaan ni Gregorio Mendoza, presidente ng ALFI, sa isang panayam, matapos lumabas ang mga larawan at mga patotoo laban kay Muzzarelli. “Sa katunayan, ako ay isa sa inalok ng libreng tanghalian na akin pong tinanggihan”, ani ni Greg sa Ako ay Pilipino. “Ilang linggo bago ang primary elections, isang consigliere comunale ang nag-organisa ng meeting kung saan inilahad ang programa ng kanyang kandidato at dito nagsimula ang kanyang pagdalo sa mga family events at pangangampanya sa mga bahay ng mga Pilipino kung saan, sa kasamaang palad ay kanya ring siniraan ang ibang kandidato".
Sa panayam, ay kinumpirma ni Greg ang paghahakot mismo ng kandidato sa mga botante gamit ang isang sasakyan, ang libreng tanghalian at ang 2 euros refund, bagaman binigyang diin ni Greg sa Ako ay Pilipino na hindi sa kanya nagmula ang pagre-report sa naging kaganapan gayun din sa mga litratong lumabas. “Ngunit ng ako po ay tinanong sa isang panayam, ay akin lamang pong sinabi ang katotohanan at ang aking nasaksihan sa araw mismo ng botohan”, ayon kay Mendoza.
Dagdag pa ni Greg, isang mahalagang karapatan ang ibinigay ng PD sa mga migrantena maging bahagi ng primary elections, ngunit ito ay dapat gampanan ng buong katapatan. “Maaaring ang kakulangan ng kaalaman sa wikang italyano at kaalaman sa regulasyon ng primary elections ay naging sanhi ng anomalya”.
Dahil dito ay nais ng komunidad na itama ang naging pagkakamali. Anim na asosasyon kabilang ang Mabinians, Kababaihang Rizalista, Cordillerans, Mindoro, Mindoro Csa ang sumoporta sa naging pahayag ni Mendoza, kasalukuyang president ng ALFI –Associazione Lavoratori Filippini in Italia at samakatwid ang pagsang-ayon sa mga akusasyon ni Maletti na anomalya ng naging botohan.
Sa pamamagitan ng isang liham ay buong tapang na kinumpirma ng halos 2,000 katao ng 6 na asosasyon ang katotohanang ibinunyag ni Mendoza bagaman ito ay makaka-apekto at makakasakit sa buong komunidad. Ayon pa sa liham ay handa ang komunidad kung nais pakinggan ng mga nakatataas ang kanilang nalalaman. Sa kasamaang-palad, ayon sa mga report, ay mga bagay namang itinatanggi ng ikapitong asosasyon ng mga Pilipino sa nasabing lugar at pawang mga supporters ni Muzzarelli.
Samantala, makalipas ang masusing pagsusuri at konsultasyon na ginanap noong Marso 13 at 14, ang Comitato provinciale dei Garanti del PD di Modena ay isinara ang naging resulta ng primary elections. Sa kabila ng mga naging paratang at mga patotoo, litrato at mga videos, ang Garanti ay kinumpirma at iprinoklama ang pagkakapanalo ni Gian Carlo Muzzarelli sa mga kalabang sina Francesac Maletti at Paolo Silingardi. Ang kahilingan ng annullamento o pagkakakansela ng mga boto sa seggio 2 (1.436 botante) ay di pinakinggan sa kabila ng mga inilahad na katibayan. Bukod dito, sa ginawang konsultasyon ay napatunayan rin na ang dalawang kandidato (Muzzarelli at Maletti) ay hindi sinunod ang regulasyon o ang silenzio elettorale sa araw ng botohan. Hindi rin napatunayan ang abutan ng 2 euros na pinasimulan diumano ni Maurizio Dori na simula pa lamang ay tinanggihan na ang akusasyon, dahilan upang baliwalain ang kanselasyon sa naging botohan sa seggio 2.
Gayunpaman, malinaw ang mga binitiwang salita ng kandidatong si Francesca Maletti sa naging opinyon ng Comitato provinciale dei garanti: “Hindi kami hihinto dito at aming i-aakyat ang kaso sa Commissione di garanzia regionale”. (PG)