Rome – Isang Pilipino designer sa Roma ang gumagawa ng ingay hindi lamang sa larangan ng fashion kundi pati sa kanyang hangaring makapagbigay ng trabaho, pati na sa mga Pilipino.
Si Dia Dima Degamo Ates, anak ni Gloria Degamo ng Bohol at Fortunato Ates ng Siquijor, ay naglunsad ng isang fashion show kung saan ipinakita niya ang kanyang angking talento sa pagdisenyo ng mga damit sa Italian audience sa Villa Suspico, Trastevere at sa Squisito sa harap ng mga Filipino delegates na dumalo sa Diaspora to Dialogue (D2D) na nagmula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Tinawag na “Paruparo”, ang fashion show ay nagpapakita ng “aking transformation bilang designer mula sa United States hanggang dito sa Italia”, ayon kay Ates na nakatapos ng kursong interior and architectural design sa Academy of Arts sa University of San Francisco.
Ayon kay Ates, ito rin ay isang kick off para sa Kalibotan, isang nongovernment organization, kung saan hangad nilang makakalap ng 13 milyong euros upang mapondohan ang mga proyekto nito at makakuha ng 30 milyong dolyar na contract jobs sa ibang parte ng mundo.
Sinabi ng morenang designer na ang 10% sa makakalap na pondo ay pupunta sa Kalibotan para sa Themba Development Project na may layuning matugunan ang problema sa food security, unemployment, at feeding program sa South Africa.
Ilan sa katulong ni Ates sa proyektong ito ay sina Catherine Robar ng Canada, founding director ng Themba; Daniel Abou-Joauce ng Lebanon, vice-president ng Kalibotan at ang kanyang kaibigan na si Nina Gogsadze ng Georgia.
“Nais kong magkaroon ng grand finale sa Pilipinas upang maipagmalaki ko ang aking pinagmulan at maipagmalaki rin ang ating bansa”, pagtatapos pa ng designer. (ni: Raquel Romero Garcia)