Discipline and Respect are the most powerful bridges between Goals and Results.
Idinaos ng FWAB o Filipino Women’s Association Biella ang kanilang ikalimang taong anibersaryo nitong ika-8 ng Pebrero, 2020, na ginanap sa Agora hotel Palace sa Biella, rehiyon ng Piemonte. Ang kanilang tema ay: Discipline and Respect are the most powerful bridges between Goals and Results.
Sinimulan ang programa ng pambungad na panalangin mula kay Bro. Eric Caindec na sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang at ng Italian Anthem. Ang bise-presidente na si Princesita Valencia ang kumumpas sa pag-awit habang hawak nila Melisa Bautista at Esmeralda Vicente ang mga watawat ng Pilipinas at ng Italya.
Ang pambungad na pananalita ay nagmula sa pangulo ng FWAB, si Teresita Dela Cruz. Nagbahagi din ng mga pahayag ang mga panauhing sina: Biella Mayor Claudio Corrandino, Pollone Vice-Mayor Dottore Francesco Botto, at Anna Fogliano, responsabile sa Ufficio Caritas Biella. Ang pangunahing tagapagsalita na si Atty. Jellie Molino ay ipinakilala ni Marriane Par. Malinaw na naipaliwanag ni Atty. Jellie Molino ang nilalaman ng tema ng anibersaryo, na mahalaga ang disiplina at respeto upang magsilbing tulay ito sa pagitan ng mga layunin at magandang resulta. Ang bise-presidente ng OFW Watch Italy na si Edgardo Turingan ay nagpahayag din ng suporta at pakikiisa sa samahan ng mga kababaihan.
Nagpamalas din ng iba’t ibang presentasyon ng katutubo at modernong sayaw ang mga miyembro nito , sa pagsasaayos ng tugtog at musika ni DJ Albert Torefiel. Bukod pa rito ay ang mga pampasiglang patimpalak kung saan ay sina Vivian Valenzuale (Miss Lady of the Night) at Juliet Dision (Best in Attire) ang napili ng mga hurado na kinabibilangan nila Edgardo Turingan, Emy Baldos ng OFW Watch Piemonte Region, Atty. Jellie Molino at Cecilia Celestino ng OFGW Watch Milan.
Ginawaran naman ng Sertipiko Pandangal 2019 sina Liezle Morcozo at Maria Eltanal.
Ang bumubuo pa ng FWAB, bukod kay Pangulong Teresita Dela Cruz at Pangalawang Pangulong Princesita Valencia, ay sina Kalihim Sally Morales, Ingat-yaman Juliet Sana, Tagasuri Nena Fontanilla at Maria Eltanal . Nagpapasalamat ang FWAB sa lahat ng dumalo, nakiisa at sumuporta sa kanilang asosasyon , kabilang din si Gng. Cindy Castro at mga kasamahan nito.
Ang Filipino Women’s Association Biella ay itinatag noong ika-7 ng Enero, 2015, na may layunin na pagtutulungan ng mga kababaihan at ng kapwa Pilipino sa Biella Piemonte. Miyembro din ito ng malawakang organisasyon na OFW WATCH ITALY. (ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus at mga kuha ng FWAB)