Nagsimula sa isang inspirasyon, ang Filipino Women’s League ay masasabing isang samahan ng mga kababaihan na bumase sa mga organisasyong nakilala at kinilala dahil sa mga bisyon at misyon nitong iangat ang kalagayan ng mga kababaihan at ipagtanggol ang mga karapatan nito.
Isa itong samahan na hindi kakapit sa tradisyonal na mga kinagawian bagkus ay tututok sa mga pangangailangang intelektuwal, emosyonal, pisikal, moral at espiritwal, mga bagay na nakakaligtaang bigyang-pansin ng mga nakagisnang mga organisasyon. Magiging tulay ito ng komunikasyon, ng pagpapalitan ng mga kaalaman at kasanayan, pagbibigayan ng suportang moral, at pakikipag-integrasyon sa ibang migranteng kababaihan.
Ang samahan ay hindi aasa sa bilang o dami ng mga miyembro bagkus ay sa kakayahan ng mga kasapi nito na makapaglaan ng kanilang panahon, kapasidad at dedikasyon para makapagserbisyo sa makakayang pamamaraan
Nagkakaroon din ng mga sama-samang pag-aaral para higit na matutuhan ang mga batas, regulasyon at iba pang tuntunin na may kinalaman sa kapakanan ng mga kababaihan, mga seminar at forum na magbibigay-linaw sa mga usapin at isyu, mga workshop na magpapatibay sa sariling katauhan at ugali pati na rin sa pakikipagrelasyon sa kapwa at pakikiisa at partisipasyon sa mga programang sangkot ang kababaihan.
Dahil dito, ito ay kinikilalang isang samahan na may pasyon, misyon at bisyon para sa mga kababaihan at para na rin sa mga nililingap nitong kabataan, katandaan at kalalakihan.
Ang sinumang magiging kasapi nito ay magiging bahagi ng isang dakilang layunin, ang makapaglingkod nang sinsero sa mga kababayan sa pamamaraang boluntarismo at nararapat na maging huwaran sa anumang aspeto ng pagiging Pilipino, maging siya man ay isa nang Italian citizen, dahil hindi nababago ng dokumento ang esensiya ng pagiging isang tunay na makabayan.
Sa wikang Pilipino, ang LIGA NG KABABAIHANG PILIPINA, ay kinikilala bilang isang natatanging samahan ng mga kababaihan sa Bologna na tatanggap ng mga indibidwal o organisasyon na kasapi, at sama-samang kikilos para maiangat ang hanay ng kababaihan, maipakilala ang mga karapatan, maipagtanggol ang kapakanan, makapaglingkod rin sa mga kababayan, at makisangkot sa mga isyu at usaping internasyonal ukol sa kababaihan at makisalamuha sa iba pang organisasyon ng mga migranteng babae na may katulad na layunin at gawain.
Ang FWL ay nasa ika-apat na taon na. Nakilkilahok taon-taon sa ebento ng One Billion Rising tuwing ika-14 ng Pebrero kung saan ay ipinapahayag sa pamamagitan ng isang sayaw ang layunin na mabawasan o mawakasan na ang pananakit at pang-aapi sa mga kababaihan.
Tuwing ika -8 naman ng Marso ay kabilang din sila sa mga grupo ng mga kababaihan sa Bologna na nagdiriwang ng Araw ng Kababaihan sa pamamagitan ng isang demonstrasyon at programa na tinatampukan din ng mga lider-kababaihang migrante.
Sa buwan naman ng Setyembre ay nangunguna sa grupo ng mga Pilipino sa pagsuporta sa Susan Komen Race for the Cure na para sa kapakanan ng mga may sakit na kanser.
Tuwing buwan naman ng Nobyembre ay ang pagdiriwang ng Internasyonal na Araw Laban sa Biyolensa sa Kababaihan sa pamamagitan ng programang pinagtutulungang idaos nang may pagbigkas ng mga tula, sayaw-kultural at dramatisasyon.
Sa taunang Santakrusan sa Bologna ay kalahok din ang mga kababaihan sa prusisyon at gumaganap na mga sagala. Maging sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay nagpapamalas sila ng kahusayan sa espesyal na presentasyon ng pagsayaw o pag-arte sa isang dramatisasyon.
Nakilahok din ang FWL sa mga gawaing sibiko gaya ng pagpipinta sa tulay ng Stalingrado at parke, pagtulong sa paglilinis ng Centro Interculturale Zonarelli, at iba pang gawaing pang-kultura.
Miyembro ng Federation of Filipino Associations ng Bologna, katuwang sila ng FEDFAB sa pagdaraos ng mga forum at seminar ukol sa Leadership, Family Values, Financial Literacy, Gender Empowerment, Health Awareness , computer workshops at iba pa. Sa labas naman ng Bologna ay aktibong miyembro din ng OFW Watch Italy at Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities (ERAFILCOM).
Patuloy din ang FWL sa pagiging katuwang ng POLO at OWWA ng Philippine Consulate ng Milan, sa pagtulong sa mga maysakit, namatayan, may problemang legal at mga kababayang nangangailangan ng impormasyon.
Sa ngayon ay nakatutok ang FWL sa pagpapaunlad sa mga kasanayan sa pananahi, na isinunod sa ginawang pagsasanay noon sa pagpipinta at handicrafts. May mga susunod pang programa ng pagsasanay gaya ng pagluluto, baking, basic counselling at iba pa.
Pagpapatunay lamang na hindi hadlang ang pagiging OFW at pagkatutok sa mga trabaho upang hindi maging aktibo ang mga kababaihan sa pagtulong sa kapwa at pagpapaunlad sa sariling kakayahan at kasanayan.
Patuloy ang FWL sa pagsusulong ng women empowerment upang maipakilala ang halaga at tunay na esensiya ng pagiging babae at pangunahing tagapagbago sa lipunan.
Para sa lahat ng kababaihan, anumang kulay at lahing pinagmulan , anumang uri ng lipunang ginagalawan, anumang kalayaan ang ninanais makamtan, ating ipakilala ang ating kahalagahan, ating ipaglaban ang ating karapatan at ating ipahayag ang ating kamulatan! Mabuhay!!!
Dittz Centeno-De Jesus