in

Final Testing & Sealing ng mga Vote Counting Machine, sinaksihan ng Filipino Community sa Roma

Ginanap kahapon ang Final Testing and Sealing ng mga VCM na gagamitin sa Overseas Voting bukas. Nagkaroon ng sample voting upang masiguro na epektibong gumagana  ang mga VCMs. 

 

Roma, Abril 8, 2016 – Dumalo ang mga Filipino leaders, media, religious group, watchers and political followers sa Roma sa ginawang Final Testing and Sealing ng gagamiting tatlong VCMs sa papalapit na Overseas Absentee Voting.

Ang FTS o final testing and sealing ay ginanap mismo sa Embassy Multipurpose Hall kung saan magkakaroon ng 3 voting polls o presinto. 

Ayon kay Ambassador Domingo Nolasco, may nakalaang 27 SD cards para sa Roma. Bawat SD card ay mayroong corresponding 1000 ballots at kumakatawan sa 27,000 overseas absentee voters sa Roma.

 

Pinangunahan naman ng Special Board of Election Inspectors o SBEI Chairman ang pagpapaliwanag sa proseso ng paggamit ng VCM.

Sinimulan ang pagse-set-up mula sa pagbubukas ng selyadong kahon hanggang sa paglalagay ng mismong machine sa ibabaw ng ballot box. Matapos ay masusing binuksan ito sa pamamagitan ng mga password.

Pumili sa mga dumalo ng mga botante upang ganap na masubukan ang mga VCM gamit ang test ballot. Tigsa-sampung botante ang bawat 3 Vote-Counting Machines.

Matapos masigurado na gumagana ang mga machines ay isa-isa naming sinubok ang 31 SD cards para sa Roma, Malta at Albania. 

Samantala, mga mahahalagang tagubilin naman ang mula kay Ambassador Nolasco. Kabilang dito ang oras ng pagsisimula ng Overseas Voting bukas, araw ng Sabado na sisimulan ng alas 8 ng umaga hanggang  alas 6 ng hapon. Samantala mula April 10 to May 8 ay mula alas 10 ng umaga hanggang alas 6 ng hapon. At sa pagsasara ng botohan sa May 9, ay mula alas 7 ng umaga hanggang alas 11 ng umaga, kasabay sa Pilipinas. 

Ipinapa-alala po sa mga kababayan natin na malayo sa Embahada, na ang malaking bilang tulad ng 40 katao o higit pa ng isang grupo, asosasyon o community ay maaaring makipag-ugnayan sa Embahada upang madala sa kanila ang mga balota at sila ay makaboto sa halip na ipadala ang mga ito sa posta na bukod sa mahal na (nagkakahalaga ng 2.65 kada electoral envelopes) ay marahil hindi makarating sa mga botante dahil sa pagpalit ng address at iba pa”, paalalang muli ng Ambassador.

Sa ginawang Testing ay sinadya ng ilang dumalo ang hindi sundin ang tagubilin sa tamang pagboto, o ang pagboto ng 2 presidente o bise president, upang masubukan ang pagiging epektibo sa pagbabasa ng mga machines. 

Hindi balido ang boto sa Presidente, Bise-Presidente at Party list kung over vote o may botong higit sa isa. Samantala, kung undervote naman para sa Senador, o bumoto ng 7 sa halip na 12, ang boto ay nananatiling balido”, paliwanag ng SBEI. 

At napatunayan naman ito ni Egay Bonzon, ang Coordinator Migrante List (Rome) dahil binasa pa rin ng machine ang kanyang boto kahit pa kulang ang boto nito sa test ballots. 

Sinagot din ang pag-aalinlangan ng mga dumalo ukol sa posibilidad na paulit-ulit basahin ng VCM ang mga balota.

Bawat balota ay mayroong kanya-kanyang security bar code at ballot ID na isang beses lamang pinahihintulutang basahin ng machine sa pamamagitan ng kanyang corresponding SD card”, paliwanag ng SBEI. 

Ayon sa mga dumalo, sapat umano ang pagpapaliwanag kung paano gumagana ang mga machine pati na rin ang security measures nito. Subalit nananatiling may pag-aalinlangan ang mga ito dahil nakasalalay pa rin ang transparency sa mag-ooperate mismo ng machine para sa postal voting.

Gayunpaman, patuloy ang pag-aanyaya na magbantay sa nalalapit na halalan sa halip na manatiling umaangal lamang, tulad ni Father Aristelo Miranda, Camillain priest at PPCRV officer.

Bukas po para sa lahat na nais magbantay. Ito ay pinahihintulutan kung kaya’t huwag natin itong sayangin”, ayon kay Fr. Aris. 

Ang PPCRV o Parish Pastoral Council for Responsible Voting, na binubuo ng mga boluntaryo na layuning magbigay edukasyon sa mga botante at hikayatin ang mga ito na bantayan ang mga boto.

Ang Final Testing and Sealing of VCMs ay inabot ng anim na oras sa Roma, mula alas 4 ng hapon hanggang halos alas 10 ng gabi. 

PGA

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

HALALAN 2016

Family reunification. Maaari bang magkaiba ang tirahan?