Nagkaroon ng medical mission ang FINASS o Filipino-Italian Nurses Association na ginanap sa Reggio Emilia noong Marso, 2018 sa pangunguna nina Deciditas Macaraeg , Alicia Notario at Russel Rivera, ang mga tagapagtatag nito, kasama ang iba pang nurses at volunteers mula sa Modena at Bologna. Ito ay nakapaloob sa kanilang layunin na “Prevention is better than Cure”.
Ang medical mission na ito ay bahagi rin ng adbokasiya ng nanalong Miss Philippines Earth-Italy 2018 CELESTE CORTESI, katuwang ang asosasyong BAHAGHARI A.S.D. , sa pangunguna ng pangulo nitong si DAISY DEL VALLE. Ito ay ginanap sa Centro Interculturale Mondinsieme, Reggio Emilia at sinerbisyuhan ng FINASS Volunteers ang mga Pilipino sa pamamagitan ng Blood pressure check up, blood sugar count at mga seminar.
Nagbigay ng inspirational talk si Miss Celeste Cortesi at ibinalita rin ang nalalapit niyang paglaban sa titulo ng Miss Philippines Earth sa ika-19 ng Mayo, 2018, na gaganapin sa Pilipinas.
Habang nag-iintay ng kanilang turno ang mga kababayang nagsipunta ay nakinig at nagpartesipa muna sila sa ginaganap na seminar na may mga topic gaya ng Diet guidelines na ibinahagi ng dietician na si Elisha Gay Hidalgo ng Bologna, ang mga payong ehersisyo ng fisio-therapist na si Judy Baltazar at pagpapaliwanag naman ukol sa good at bad cholesterol ng nurse na si Deciditas Macaraeg.
Sa bahagi naman ng samahan ng Bahaghari, ang mga lider nito at mga miyembro ay tumulong sa pananawagan para sa health awareness ng mga kababayan sa Reggio Emilia. Unang handog ito ng asosasyon sa kanilang lugar kung kaya’t umaasa na may iba pang makahulugang mga gawaing serbisyo ang ibabahagi nito .
Nagtapos ang misyon/adbokasiya sa isang maikling ZUMBA dance exercise ng mga volunteers at iba pang partisipante at pagkaraan ay isang salu-salo ng mga pagkaing inihanda ng Bahaghari.
Ang misyon ay tunay na nagiging isang tagumpay kung may pagkakaisa at suporta ng bawat isa.
Dittz Centeno-De Jesus