Salsomaggiore Terme, Pebrero 4, 2015 – Nanguna ang isang grupo ng mga Pinoy sa ginanap na Dart National Competition Class C ng FEDI sa Salsomaggiore Terme nitong Enero.
Ang grupong DC Jalapenos FFGF (Federazione Filippina Gioco Frecette) na binubuo nina Ronaldo Samson, Cesar Quiambao, Allan Santos at Dante Dellagas Genil, ang kanilang leader, ang nakasungkit ng first place sa Dart National Competition o Finale del Campionato Nazionale 2014 na inorganisa ng FEDI o Federazione Electronic Dart Italiana Serie C noong nakaraang buwan.
Sa 11th National Competition ng FEDI ay lumahok ang 570 dart palyers ng 220 groups mula sa 27 lalawigan ng Italya at naglaban-laban bilang mga finalists sa 10 kategorya tulad ng Serie A, B, C, Squadre Donne at iba pa.
Ang DC Jalapenos FFGF ay mga manlalarong pinalista ng Serie C buhat sa Roma at ang-iisang grupo na binubuo ng mga Pilipino.
Matatandaang ang grupo ay una ng nakilala bilang Pinoy Darters in Rome noong 2008. Mula noon ay regular na lumalaban ang mga ito sa ibat-ibang kumpetisyon at iba’t ibang kategorya, idibidwal man o grupo.
Lumahok rin noong nakaraang taon ang grupo sa FIGF o Federazione Italiana Gioco Frecette Regionale kung saan nasungkit naman ang first place Class B Regional competition. Sa ilalim ng FIGF, mayroon lamang 10 grupo ng mga manlalaro sa Roma at siyam ng mga grupong ito ay mayroong tig-dalawang Pinoy dart players.
Para sa mga manlalarong Pinoy, ang Dart, bukod sa pagiging isang sport at hobby ito rin umano ay isang oportunidad upang makilalang higit ang mga italians hindi lamang bilang mga employer, kundi bilang mga kaibigan at bilang mga katunggali rin sa larangan ng sports.
“Inaasahan po namin na ang aming tagumpay at tropeo sa bawat laro ay maging inspirasyon sa maraming ofws sa Roma”, ayon kay Dante. “At lalo na ang mahikayat sila na maglaro ng dart at gamitin ang kanilang spare time sa sports”, dagdag pa nito.
Kasabay ng kanilang tagumpay ay ipinangko rin ng grupo na magbibigay sila ng panahon sa sinumang nagnanais matuto ng dart.
Sa kabila ng tagumpay na ito ay inaasahan ng 4 ang paglalaro sa Serie A o Class A sa hinaharap.“Sana po kami ay suportahan ng ating mga kababayan para sa isang mas malaking pangalan sa larangan ng dart”, pagtatapos ng leader ng DC Jalapenos FFGF
PGA