in

Flashmob, simula ng “Week of Gratitude”

Mga kabataan nakalikom ng donasyon sa ginawang flashmob, hudyat ng simula ng “Week of Gratitude” sa buong mundo.

Roma, Disyembre 16, 2013 – Binubuo ng 70 mga kabataang Pilipino, karamihan ay ipinanganak at lumaki sa Italya, ang hindi nag-atubili at nag-alay ng kanilang talento upang makatulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Sa ginanap na flashmob, o ang modernong paraan ng komunikasyon sa publiko sa pamamagitan ng sayaw, kahapon sa stazione Termini Roma, ay tunay na nakatawag ng pansin ng maraming Italyano at mga turista. Ang sanay pag-usyoso lamang sa ingay at hiwayang naririnig ay naging paraan upang hangaan hindi lamang ang husay ng mga mananayaw bagkus pati ang hangarin sa likod ng pagsasayaw na ito, daan sa pagbibigay ng donasyon.

Umabot sa 337.10 euros ang halagang nalikom na buong pusong ipagkakaloob bilang donasyon at pamaskong handog sa mga biktima ng trahedya.

Karamihan po sa mga kabataang Pilipino ay mahilig sumayaw at ito po ang naisip naming paraan upang maging bahagi ng pagtulong sa mga biktima ng bagyo at pakikiisa na rin sa mga mas nakakatanda sa amin”, ayon kay Tahjack Tikaz, ang kilalang Filipino rapper sa Italya.

Ito talaga ang gusto nila, maibalik ang talento nila at magamit din sa pagtulong” ayon kay  Jaiane Morales. Kasama sina Michael Palacpac, at Eloisa Louise Calapatia de Villa ay sinikap ng apat na pag-isahin ang 7 grupo ng mga kabataang mayroong iisang hangarin. Ang grupong nakiisa ay ang Mavaj, FMC, Kreways, Vyrus, Puspussy, New Spokie Collection at mga indibidwal.

Bukod dito, ang ginanap na flashmob ay naghudlat din ng simula ng “Week of Gratitude” o “Linggo ng Pasasalamat” ng mga Pilipino sa buong mundo, sa pangunguna ng ENFID Italy o European Network of Filipino Diaspora. Sa katunayan, bukod sa mga banderitas na dala ng publiko ay makikita ang malaking streamer kung saan nakasulat ang: “Grazie al Popolo Italiano” at "Thank You all Nations for your solidarity and generosity" , bilang taus-pusong pasasalamat sa mabilis at konkretong pagtulong ng maraming bansa sa ating Inang bayan.

Gayunpaman, ang “Week of Gratitude” ay magpapatuloy hanggang sa dec 22 kung saan ang mga Pilipino sa Italya at sa buong mundo ay inaanyayahan, kahit sa maliliit na paraan, na magpakita ng buong pusong pasasalamat sa patuloy at walang sawang tulong sa ating bansang Pilipinas.

Hindi ba’t maganda ang sinimulan ng mga kabataan? Halika, huwag ng mag-atubili at makiisa. Bilang Pilipino, kaagapay ka!  (ulat ni Pia Gonzalez –  larawan ni Stefano Romano)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Milan PCG welcomes Philippine Navy Contingent

Ano ang Kanser sa Suso?