Pebrero 28, 2013 – Isa sa mga nangungunang libangan ng mga Pinoy dito sa Italya ay ang PHOTOGRAPHY at dahil dito isang grupo ng kalalakihang Pinoy sa Milan ang bumuo ng sariling ‘team’ upang gawing kapaki-pakinabang ang kanilang hilig sa pagpitik ng camera. Kanilang tinawag ang grupo na ‘FLUXUS PHOTOGRAPHY’.
Ang salitang FLUXUS ay hango sa salitang Latino na ang ibig sabihin ay ‘flow or flux’. Taong 1960’s ay may kilalang Fluxus Movement kung saan ginagamit ng mga international artists ang kanilang larangan sa arte upang maging protesta sa mala-burgesang pamumuhay at arte sa pamamagitan ng mga malalaking eksibisyon at performances sa mga lungsod gaya ng Paris, Copenhagen, at New York.
Sila ay binubuo ng 6 na Pinoy na pawang mga imigrante dito sa Italya na nagsama-sama upang paghusayan at palawigin ang kanilang kaalaman sa larangan ng paghawak ng camera. Sila ay sina:
GILBERT URBANO – Mula sa Pangasinan, may 22 taon na sa Italya. Isa siya sa mga nagconceptualize at bumuo ng grupo. Nagsimula sa photography dalawang taon pa lang ang nakakalipas. Wala man siyang background sa photography ay kanyang pinagpursige ang pagpitik sa camera hanggang sa makita niya kung saan siya mas nagkakainteres. Una niyang naging hilig ang Macro photography. Sa kanyang pag bakasyon sa Pilipinas, sumama sya sa mga workshop at photoshoot ng isang malaking grupo ng mga photographers atdi naglaon ay Portrait ang kanyang naging forte, gaya rin ng ibang miyembro ng team.
ERICK MARCO ARELLANO – Mula sa Calapan City, lumipat siya sa Italya noong November 2004. Katuwang ni Gilbert, maliban sa pagbuo ng grupo, siya ang taga-organisa ng mga shoot ng Fluxus. Nagsimula ang kanyang hilig sa pagpitik gamit ang isang point and shoot camera noong siya ay nasa kolehiyo. At mas lalong lumawig ang kanyang kagustuhan sa photography nang makabili siya ng DSLR 3 taon ang nakakaraan.
ARNOLD MANGAHIS – Mula sa Sta. Rosa City, Laguna, siya ay 17 taon nang nasa Italya. Hinde niya hilig ang pagkuha ng litrato, wala siyang background sa camera ngunit sinubukan niya ang photography dalawang taon na ang nakakaraan nang maengganyo siya sa mga magagandang larawang nakikita niya sa Facebook at simula noon ay nagdesisyong bumili ng isang DSLR. Sa kagustuhang mahasa ang kanyang kaalaman sa larangan ng pagpitik, sumali rin siya sa ilang workshop ng kilalang photographer sa Pilipinas.
DIZZY PINGA – Mula sa Marikina City, siya ang pinakabata sa grupo sa edad na 22. Mahilig sa iba’t ibang klase ng art ngunit ngayon ay nakatutok sa pagpitik ng camera. Nagsimula siya noong 2004 gamit ang isang compact digital camera at mula noon ay nagkainteres na sa photography kaya siya ay pumasok sa photography seminar sa THE FEDERATION OF Philippine Photographers Foundation (FPPF). Siya ngayon ay kilala sa pagshoot sa mga COSPLAY events dito sa Italya.
GOBAZ DASIG – Mula sa Dagupan City, siya ay 10 taon na sa Italya at 4 na taon na siyang pumipitik. Hangad niya na hinde lamang madevelop ang kanilang grupo kundi upang maging matatag ang kanilang pagsasamahan bilang magkakapatid sa pagpitik. Sa pagpili ng kanyang istilo sa photography, gaya ng kanyang kagrupo, ay mas nagkainteres siya sa istilo ng pagkuha ng mga portrait.
KIKO MALLARI – Mula sa Bulacan, halos 9 na taon na siyang namamalagi sa Italya. Hinde na rin siya bago sa photography dahil kahit bago pa lang siyang dumating ng Italya ay pumipitik na siya gamit ang kamerang di film ngunit nahinto lamang ito nang dumating siya sa Italya noong 2004. Matapos makapag-ipon ay bumili ng DSLR. Dahil nagsisimula pa lang ang digital photography nang mga panahong yun, ‘nag-aral’ siya sa pamamagitan ng panunuod sa YouTube.
Sa pagbuo ng kanilang team, layunin nilang mag-organisa ng mga ‘open photoshoots’ para sa iba pang photographers, mga kolaborasyon, mga basic workshops para sa mga nagsisimula o baguhan pa lamang sa larangan ng pagkuha ng larawan, paggawa ng mga portfolio ng mga modelo para sa fashion, glamour and editorial shoot pati na rin ang family portrait at company profile. Noong nakaraang Agosto 2012, naganap ang kanilang kaunaunahang ‘open photoshoot’ na dinaluhan din ng iba pang mga Pinoy photographers sa Milan. Sa darating na panahon, isa na rin sa serbisyong kanilang tatanggapin ay ang pagcover ng mga events gaya ng wedding, debut at birthday. Isa ring proyekto ang kanilang niluluto na tinatawag na ‘Model for a Day’ kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang isang normal na tao na maranasan ang maging isang ‘model’ sa harap ng camera.
Marami na ring grupo ng mga photographers dito sa Italya at isa na ang FLUXUS PHOTOGRAPHY sa unti unti nang nakikilang grupo sa Milan. Matapos ang tagumpay na 2 openshoots, abala ang Fluxus sa paggawa ng kani-kanilang sariling portfolio. Kaalinsunod nito ay ang pag-launch ng sariling website sa Marso kung saan makikita na ang ilan nilang mga kuha sa nagdaang mga buwan. Maaring bisitahin ang kanilang site sa http://www.fluxusphotography.com/. (ulat ni: Jacke de Vega)