in

Forum ng Kababaihang Rizalista sa Roma: Isinusulong ang Karapatan at Pagkakapantay-Pantay ng Kababaihan

Isang makabuluhang forum ang matagumpay na isinagawa kamakailan ng Asosasyon ng Kababaihang Rizalista Inc. Rome Chapter sa Roma, Italya, na pinamumunuan ni Lady Analiza Bueno-Magsino. Dinaluhan ito ng maraming kababaihan mula sa iba’t ibang asosasyon, gayundin ng mga kapwa migrante, upang talakayin ang mga mahahalagang isyu na kinakaharap ng kababaihan sa kasalukuyang panahon.

Ang forum ay may temang Il diritto all’emancipazione e il valore della donna nel persorso verso un’integrazione sociale compiuta o Ang Karapatan ng Kababaihan na Maging Malaya at Ang Kanilang Halaga sa Mas Pantay na Lipunan”. Pangunahing tagapagsalita sa naturang pagtitipon si Minister Donna Gatmaytan, Deputy Head Mission ng Embahada ng Pilipinas sa Roma. Kasama rin sa mga naging panauhin sina Hon. Alessio D’Amato, Consigliere Regionale, at Hon. Claudia Finelli, Consigliera ng Municipio 13.

Sa forum, tinalakay ang iba’t ibang mahahalagang paksa tulad ng women’s empowerment, pagkakapantay-pantay, social inclusion, aktibong partesipasyon, halaga ng edukasyon, oportunidad sa trabaho, tapat na pamumuno, pagkakaisa, at ang mahalagang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng lipunan.

Bilang bahagi ng pagpupulong, nabuo ang isang kasunduan sa pagitan ng mga Pilipina na dumalo, ang pamahalaang lokal ng Municipio 13 at Regione Lazio, ang Embahada ng Pilipinas at ang Asosasyon ng Kababaihang Rizalista na magtutulungan sa pagpapalakas ng mga programa para sa kababaihan. Ilan sa mga napagkasunduang hakbang ay ang pagsasagawa ng iba’t ibang social activities, pagpupulong, at mga proyekto na magpapalaganap ng kaalaman at tutulong sa pagsusulong ng karapatan ng kababaihan.

Nagbahagi rin ng kanilang personal na karanasan sina Ms. Chelsee Pena at Lady Maria Rizza Cruz, kasama ang iba pang mga kababaihan na naging bahagi ng forum. Sa kanilang mga kuwento, ipinakita nila ang mga hamon at tagumpay na kanilang naranasan bilang kababaihang migrante sa Italya.

Lubos ang pasasalamat ng Asosasyon ng Kababaihang Rizalista Inc. sa lahat ng mga miyembro at kalahok na naglaan ng kanilang oras at dedikasyon upang maging matagumpay ang forum. Pinasalamatan din si Ms. Glory Marquez, isang kasapi ng Associazione Stranieri Lavoratori in Italia (ASLI), na gumanap bilang interpreter upang mas madaling maunawaan ng lahat ang mga talakayan.

Ang matagumpay na forum na ito ay isang patunay ng patuloy na pagkilos ng mga kababaihang Pilipino sa Roma upang mapalakas ang kanilang posisyon sa lipunan, maisulong ang kanilang mga karapatan, at makibahagi sa paglikha ng isang mas pantay at makatarungang mundo para sa lahat.

Click to rate this post!
[Total: 3 Average: 3.7]

Federation of Women in Italy, Ipinagdiwang ang Ika-11 Anibersaryo Kasabay ng World Women’s Day

Pagtugis sa Pag-iwas sa Buwis ng mga Colf, Kampanya ng Guardia di Finanza