Rome – Isang Free Medical Check-up at free ISTAT fill-up assistance sa pangunguna ng Deusfratres onlus, Federfil-Italy at ng Filipino Nurses Association in Rome ang ginanap sa Santa Pudenziana Rome noong nakaraang Biyernes, ika-6 ng Enero.
Matapos ang banal na misa ay dinumog ang mga volunteers ng FNA para sa Diabetic test and consultations at maging Blood pressure measurement. Mga bagay na hindi dapat kaligtaan matapos ang mga masasaganang pagdiriwang ng pistang nagdaan tulad ng Pasko at Bagong taon.
Samantala, “Sa mga ofw na taga-Italya ay higit na pag-iingat sa kalusugan ang kinakailangan – paalala ng FNA – dahil nadagdagan pa ang mga pistang ito ng Santo Stefano at ng Befana”. Samakatwid bukod sa grabansos, suman at leche plan ay may kahalong mga torrone, pandoro o panettone at mga sweet candies at chocolates pa.
“Salamat na lamang at nagpa-kontrol ako ng BP ko, mataas pala!”, komenta ni Aling Thelma, matapos iabot ang risulta blood pressure ng isa sa volunteer ng FNA na patuloy na nanghihikayat sa mga Filipino para sa isang regular check-up sa family doctor upang maiwasan o maagapan ang karamdaman.
Samantala, sa kabilang parte ng plasa ng simbahan ay naka-helera ang mga ‘cultural mediators’ na Pinoy buhat sa Hawak-kamay association, at di mga Pinoy mediators na buhat naman sa Sant’Egidio Community at Cisal sa kani-kanilang mga tables, na tumulong sa mga Filipino sa pagkukumpila ng mga questionnaire buhat sa ISTAT para sa Census 2011.
“Isang obligasyon bilang mamamayang naninirahan sa bansang Italya ang pagkukumpila nito at may kaukulang parusa o multa sa mga pagkakamali sa kumpilasyon at hindi pagsusumite ng nasabing mga form. Salamat sa mga mediators na boluntaryong naging bahagi ng inisyatibang ito”, mga pangungusap ni Konsehal Boss Ramos, na isa sa mga opisyal ng Federfil, sa panayam ng Ako ay Pilipino.
Kasabay ng mga kaganapang ito ay abalang-abala ang mga miyembro ng mga organizer sa patuloy na pag-aabot ng mga canned goods at ibang kagamitan na ipapadala naman sa mga naging biktima ng unos sa ating bansa.
Naging panauhin ng naturang inisyatiba si ConGen Ibayan ng Embahada ng Pilipinas sa Vatican, mga Konsehal na Pinoy sa Roma at mga kababayang lubos ang naging pasasalamat sa mga kaganapang nakakatuwang pagmatyagan sa huling araw ng mga holiday sa Italya!