Nagsagawa ng free t-shirt printing ang Duterte Volunteer Group Rome Italy Chapter sa pagsusulong ng kampanya ni Duterte sa Roma at buong Italya.
Roma, Pebrero 18, 2016 – Sa pagdiriwang ng Valentines Day ay pinili ng Duterte Volunteer Group Rome Italy Chapter ang magsagawa ng free t-shirt printing. Kanya-kanyang bitbit ang bawat boluntaryo ng mga gamit para sa printing ng mga t-shirt na dinala naman ng mga Duterte followers para magamit bilang campaign materials ng naturang grupo.
“Dito sa Roma, ang mga volunteers ay walang pinag-uusapang pera, kanya-kanyang tulong sa paggawa ng tarpulin, t-shirt printing at paglalagay ng mga posters sa mga Pinoy stores. Ito ay aming ginagawa para sa bansa natin, para sa tunay na pagbabago”, kwento ni Aurt sa panayam ng Ako ay Pilipino.
Sa pangunguna ni Aurtenciano “Aurt” Miranda Jr., isang grupo ng mga boluntaryong Pilipino sa Roma ang nabuo at kasalukuyang nagsusulong sa pagababagong hangad ni presidential candidate Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Mas kilala sa tawag na Kali Istukada bilang isang martial arts instructor sa Roma, si Duterte umano ang kanyang napiling kandidato bilang pangulo dahil sa masidhing pagnanasang ibalik nito ang seguridad at peace and order bukod pa sa maitaguyod ang ekonimiya ng bansang Pilipinas.
Ayon kay Kali, nagsimulang maitaguyod ang Duterte volunteer group matapos ang unang panawagan niya para sa meeting noong nakaraang Disyembre. Sa nasabing meeting, ay tinawagan nila si Mayor na hindi naman nagdalawang isip na paunlakan ang tawag ng grupo. Ito ay naging dahilan ng higit na pagpupursigi ng mga boluntaryong isulong ang kampanya ni Duterte sa Roma at buong italya.
“Hanggang lumaki ang DDS (Digong Diehard Supporters) Rome chapter at ayon sa mga kasamahan ko, ako daw ang leader. Sa totoo lang, hangarin ko lang ay ang tunay na pagbabago”, kwento ni Kali.
Bukod sa mga nabanggit, isinusulong din bilang bahagi ng programa ng Rome Chapter ang ipaboto si Duterte sa 10 hanggang 20 kaanak sa Pilipinas ng bawat boluntaryo.
“Ok lang kami na volunteer ni Mayor. Hindi kami nagre-reklamo at hindi nagpapabayad at lalong hindi kami binabayaran”.
“Para sa isang tunay na pagbabago sa ating bayan, Duterte tayo”, ang panawagan ni Kali sa mga ofws sa Roma sa pagtatapos nito.
ni: PGA
larawan at video ni: Boyet Abucay