“Health is wealth”, paalala ni Alona Cochon, ang promoter sa komunidad ng Fun Run.
Ang Maratona di Roma ay hindi lamang tumutukoy sa isang kumpetisyon para sa mga atleta. Sa katunayan, bahagi na rin ng tradisyon ang samang-samang pagtakbo at pagdiriwang ng libu-libong lumalahok sa La Stracittadina, o ang Fun Run. Ito ay tila isang araw ng pamamasyal sa sentro ng Roma kung saan tatahakin ng mga non-competitive marathoners ang mga historical, archeological at architectonical sites ng lungsod na sarado sa mga pribado at publikong sasakyan.
Tulad noong nakaraang taon, tinatayang hihigit pa sa 90,000 ang mga lalahok sa taong ito sa fun run, na magsisimula sa Via Fori Imperiali, (pagkatapos ng start ng Maratona di Roma ng 42,195 kms), sa ganap na alas 9 ng umaga ng April 8 at magtatapos sa Circo Massimo, na may habang 5kms.
Ang Italia Marathon Club, organizer ng Maratona di Roma at Fun Run, kasama ang mga piling promoters sa iba’t ibang komunidad ay layuning hikayatin ang lahat sa magandang karanasang ito tulad ng mga pamilya, mga mag-aaral, magkakaibigan, kamag-anak o kapitbahay, kasama sa grupo o asosasyon, bata o matanda man.
Sa Filipino community, si Alona Cochon ang promoter sa komunidad ng La Stracittadina. Si Cochon ay tubong Tarlac City, 20 taon ng naninirahan sa Roma at kilalang event organizer sa komunidad.
“Three years ago, ako ay inalok na si Mr. Castrucci na maging promoter ngunit sa panahong iyon, ako ay abala pa sa ibang mga proyekto. Ngunit nagkasakit ang aking Ama at tuluyang nawala, at noon ko napahalagahan ang kasabihang Health is wealth”.
Ayon kay Cochon, kailangan pala ng ating mga katawan ng ehersisyo gaya ng pagtakbo upang makaiwas sa altapresyon. Kasama na rin ang mahusay na paraan para mabawasan ang pagbara sa ugat na sanhi ng sakit sa puso at lalong higit ay nakakatulong din sa pagbagal ng pagkalat ng cancer cells.
Sa madaling salita ay napagtanto ni Cochon ang tulong sa kalusugan ng pagtakbo.
“Sa Fun Run ay hindi kailangan ang medical certificate pero sa Maratona ng 42kms ay kailangan ang mga medical certificate at records”, dagdag pa ni Cochon.
Inaasahang manggagaling pa sa 118 bansa ang mga participants para maglaban-laban sa medalya ng Maratona di Roma na magsisimula ng 8:30 ng umaga sa April 8. Ang mga magre-register ay tatanggap ng maliit na bag pack, new balance T-shirt at mga gadgets mula sa mga sponsors. Ang registration fee ay tumataas habang papalapit ang araw ng kumpetisyon, kaya’t patuloy ang promosyon ni Cochon.
Sa kasalukuyan, ay mayroon ng rehistradong mga Pilipino sa kumpetisyon.
Samantala, ang registration ay nagkakahalaga ng €10 sa fun run. Kasama nito ay ang kit bag na may New balance T-shirt, gadgets mula sa mga sponsor at mineral water.
“Isang karangalan para sa akin ang mabigyan ng pagkakataon at kilalaning first filipino promoter ng Maratona di Roma”, pagtatapos ni Cochon.
Para sa registration, i-fill up lamang ang form at makipag-ugnayan sa promoter Alona Cochon +39 3386017156.