in

Funeral mass para kay Elmer, ginanap kahapon

Nakiramay sa pamilya at mga kaanak ang buong komunidad sa pangunguna ni Ambassador of the Philippines to the Holy See Mercedes Tuason. Nakidalamhati rin ang pamilya ng may-ari ng bar Ciampini pati na rin ang mga abugado ng magkabilang parte.

 

 

Roma, Abril 18, 2016 – Dinaluhan ng mga mahal sa buhay, kaanak, mga kababayang Pilipino partikular ni Ambassador Mercedes Tuason ng Embassy of the Philippines to the Holy See, ang ginanap na funeral mass ng sumakabilang buhay na si Elmer Magcawas kahapon sa simbahan ng San Lorenzo in Lucina, Roma. Ito ay ang simbahang halos katapat ng bar Ciampini kung saan nagtrabaho ng sampung taon at nagbuwis ng buhay si Elmer dahil sa naging sunog sa basement nito

Nakidalamhati rin ang Ciampini family, partikular si Giuseppe Ciampini, ang may-ari ng Ciampini bar na kasalukuyang nahaharap sa kasong ‘omicidio colposo’ o manslaughter. Namataan rin ang presensya ng mga abugado ng magkabilang parte. 

Salamat sa pinasimulang crowfunding kamakailan ni Angelo Ciampini, ang anak ng may-ari ng Ciampini bar, ay nakalikom ng halagang 2,750 euros. Bagaman hindi sapat ay natustusan ang malaking bahagi ng halagang kinakailangan sa repatriation ng bangkay. 

Ang halagang makakalap sa pamamagitan ng online fund raising ay aking pinasimulan upang makatulong una sa pamilya ng naulila para sa repatriation ng bangkay at ikalawa ay upang matulungan din ang higit sa 30 manggagawa na nawalan ng kanilang hanapbuhay. Matindi ang danyos na naging sanhi ng sunog at nanganganib ang pagsasara nito sa mahabang panahon”, ayon kay Angelo na patuloy na nananawagan at inaasahang makaka-abot sa layuning 30,000 euros. 

 “Kasalukuyan pa rin ang ginagawang imbestigasyon sa naging insidente, hindi madali at siguradong mangangailangan ng mahabang panahon ”, ayon kay Atty. Valentina Chianello, ang abugado ng kapatid ni Elmer na si Elena Magcawas. 

Patuloy naman ang pagdagsa ng mga bulaklak na nagtataglay ng mga mensahe ng pakikiramay at panalangin sa yumaong at sa pamilya nito. 

Nananatiling naka-park pa rin malapit sa bar ang bisikleta ni Elmer. “Ito po ay regalo ko sa aking papa”, ayon kay Sabrina, ang anak ng yumaong habang malungkot na ipinapakita ito sa mga nakiramay kahapon. 

Samantala, nakatakdang iuwi sa Pilipinas ang bangkay ni Elmer sa lalong madaling panahon. 

 

ulat at larawan ni: PGA

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Unang Pilipinong Doktor sa South Italy, determinadong itatag ang bagong henerasyon ng Filipino medical professionals sa bansa

Kaibigan, harapin natin mga alon sa ating buhay