in

GE Vatican City, nasa ika-3 taon na!

Masayang ipinagdiwang ng GUARDIANS EMIGRANT (GE) Vatican City ang kanilang ika-3 anibersaryo na ginanap noong araw ng linggo, ika-26 ng buwan ng Mayo sa isang locale ng Missioni Consolata sa Viale delle Mura Aurelie sa Roma, halos katabing kalsada lamang ng embahada ng Pilipinas sa estado ng Vaticano.

Bandang alas 2 ng hapon ay puno na ang venue at ang mga panauhin ay nakapuwesto na sa kanya kanyang mesa. Ang awit ng Lupang Hinirang ang naging hudyat ng pormal na simula ng programa ng anibersaryo. Sa pagbubukas ng pagdiriwang ay binati ng presidente ng samahan ang lahat na mga panauhin. Ayon kay Rhomie “PCGS IBHOY” Morales, malaki ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nakiisa dahil ito ay pagpapakita lamang na hindi nila pinababayaan ang chapter na ito ng GUARDIANS Emigrant. Nangako rin ang pangulo sa ngalan ng buong samahan na mas pagtitibayin ang pakikipagugnayan sa iba pang mga asosasyon. Nagkaroon din ng ilang sandali na katahimikan upang gunitain ang yumaong maituturing na isa sa mga nagdala ng kapatiran ng GUARDIANS sa italya, si Norberto “Smf Scorpion” Fabros, na dapat sana ay kaisa  sa pagdiriwang ng araw na iyong ngunit kasabay ng araw ng anibersaryo ay binawian ng buhay. Isang simbolo ng pagluluksa ng pamilya ng mga GUARDIANS ang paglalagay sa braso ng itim na ribbon. Ginunita naman ni Diomedes “Egmf Nazareth” Laridoang mga huling pagkakataon na nakasama ng mga kapatid sa balikat si Smf Scorpion pati na ang kanyang bilin na huwag pababayaan ang sagrado at kargadong samahan, at ipagpatuloy ang mga inisyatiba na magbibigay daan patungo sa matagal nang inaasam na pagkakaisa.

Ang panauhing pandangal ng pagdiriwang ay si Miss Pia Eliza Gonzales-Abucay, ang editor in chief ng Ako ay Pilipino. Sa kanyang pagbati sa mga dumalo ay idinagdag ang mensaheng mas pagbutihin pa ang ginagawa at itaas pa ang antas ng performance upang mas makapagsilbi pa ng maayos sa bayan. Ang “pangkat” umano ng GUARDIANS ay isang inspirasyon para sa mga iba pang mga organisasyon na nasa loob ng iisang komunidad ng mga pilipino sa italya. Hindi man kaila sa lahat na ang isa sa pinakamahirap na hamon sa mga samahan ay ang tema ng pagkakaisa, subalit ito ay hindi imposibleng makamit  kung ang lahat ay magtutulong-tulong na  abutin ang inaasam ng lahat na “unity”. Ikinumpara din ng guest speaker ang mga samahan ng mga pilipino sa mga grupo ng mga italyano. Isang malinaw na katotohanan ang sinang-ayunan ng lahat: na ang mga pilipino para maitulak paabante ang mga samahan ay binibigyan natin ng “Time, talent, at budget”.Mga bagay na minsan ay hindi makikita  sa samahan ng mga ibang lahi dahil hindi kaugalian ng mga ito ang “bumunot” mula sa sariling bulsa. Ang mga values na ito ang binigyang diin ni Miss Pia na dapat lamang na maipamana sa mga mas nakababatang henerasyon.

Ang pormal na pagdiriwang ay nagpatuloy sa himig ng musika at giliw ng mga sayaw ng ilang  grupo mula sa iba’t-ibang organisasyon na nakiisa sa nasabing pagdiriwang. Nagpamalas din ng kanilang galing sa pamamagitan ng isang exhibition ng “kata” ng mga kabataang miyembro ng Black Squadron.

Sa pagsara ng tabing ng taong nakaraan ay buo naman ang loob ng buong GE Vatican na sama-samang harapin ang mga bagong pagsubok ng hinaharap, dala-dala sa puso ang layuning makapagsilbi pa sa mga mas nangangailangan.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Luwa, nagbigay kulay sa Santacruzan at Kapistahan ngayong Mayo

Mabini Hometown Festival, idinaos sa Modena