Bagaman ito ay gaganapin sa Aug 31, Lunes sa Pilipinas, bilang pakikisa ng mga Pilipino sa Roma, ang Globay Day of Prayer ay gaganapin sa Linggo, Aug. 30.
Roma, Agosto 27, 2015 – Ang MARCHA o Movement & Alliance to Resist China’s Agrression ay magdadaos at inaanyayahan ang lahat ng mga Pilipino sa buong mundo na makiisa sa gaganaping Global Day of Prayer for Peace & Victory in the West Philippine Sea.
Kasabay ng pandaigdigang panalangin ay ang Pambansang Araw ng mga Bayani na ginugunita tuwing August 31. Ito ay upang ang kagitingan at pakikipaglaban ng ating mga bayani para sa soberanya ng ating bansa, na kanilang iniwang halimbawa, ay ating tularan at suklian sa pamamagitan ng pagtatanggol sa ating West Philippine Sea.
“We likewise ask all citizens of the world who also value the Rule of Law, the principles and provisions of the United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), freedom of navigation and equity for all nations, big or small, in the enjoyment and protection of the global commons, to join us in this Day of Prayer of Peace & Victory”, ayon sa MARCHA.
Samantala, ang BWPS o Bantay West Philippine Sea, ang grupong itinatag sa Roma, sa pamamagitan ng ENFiD Italy, na layuning makiisa sa pakikipaglaban at pagtatanggol sa West Philippine Sea, bilang pakikisa ay sama-samang mananalangin sa pamamagitan ng banal na misa sa ganap na 11 ng umaga sa Parocchia Crocifisso, (via Dei Baglioni 15, Roma) sa linggong darating, Agosto 30.
“Ito ay gaganapin sa Linggo upang mapahintulutan ang ating mga kababayang makiisa sa panalangin. Lunes ay magiging mahirap para sa nakakarami dahil sa trabaho”, ayon kay Mher Alfonso, ang kasalukuyang chairman ng BWPS, sa ginanap na miting kamakailan bilang paghahanda.
“Sa tumitinding tension sa West Philippine Sea – ayon kay Monsignor Jerry Bitoon, ang isa sa mga founder ng BWPS – ay muling bumabaling ang sambayanang Pilipino sa bisa ng panalangin. Kung ang Diyos ay nasa piling natin, sinong lalaban sa atin?” (Rom 8:32). Ang makapangyarihang salita ng Panginoong Jesus na nagpahupa sa alon at nagpatahimik sa hangin ang sya ring magbibigay kapayapaan at tagumpay”.
Gayunpaman, ang national prayer rally ay gaganapin sa harap ng China Consulate sa Buendia (Gil Puyat Ave) Makati sa ganap na alas 9 ng umaga sa Lunes.
Ang nalalapit na desisyon ng United Nations International Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands ukol sa jurisdiction ng inihaing arbitration case ng Pilipinas laban sa agresibong pananakop ng China sa South China Sea ay isang mahalagang desisyon at magkakaroon ng malaking epekto sa bansa, sa pambansang seguridad, sa likas na yaman at sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Inaasahan ang pakikiisa sa pananalangin ng mga Pilipino sa Roma at sa buong mundo.