in

GLOBAL WALK 2015 NG CFC, TAGUMPAY

Kasabay ng pagdiriwang ng Family Day ay matagumpay na ginanap ang Global Walk 2015 ng CFC.

 

 

 


Milan, Hunyo 29, 2015 – Sa ikalawang pagkakataon ay ginanap sa Milan Italy ang Global Walk sa pangunguna ng Answering the Cry of the Poor Foundation o ANCOP na bahagi ng evangelization ng Couples for Christ (CFC). Layunin ng pundasyon na tumulong sa may mga problemang pang pinansyal partikular sa larangan ng edukasyon sa Pilipinas.

Kasabay nito ang pagdiriwang ng taunang “Family Day” ng Couples for Christ.

Ang ANCOP foundation ay itinatag hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa iba't ibang bahagi ng Europa, Canada at Estados Unidos.

"Ang global walk ay ginaganap tuwing August 16, pero dito ginanap na namin sa Milan,  kaya nauna na kami" ayon kay Ernesto Bella, ANCOP coordinator ng Milan.

Ang bawat nalikom na halaga ay nanggagaling sa mga nagparehistro para lumahok sa Global Walk. Ito ay i-aambag na tulong para sa mga kabataan na mapapabilang sa scholarship program ng naturang foundation.

Ang ANCOP, ayon kay Teresita Bella, CFC ANCOP coordinator, ay nasa ikatlong taon na, at ang malilikom na halaga ay mapupunta sa tatlong batang pinag-aaral ng Milan chapter.
Bago nagsimula ang Global Walk ay nag-warm up muna ang mga manlalahok sa pamamagitan ng pagsasayaw ng Zumba.

Nagkaroon din ng isang maikling pambungad na panalangin at pagkatapos ay ang ribbon cutting sa pamamagitan ni Eng. Domingo Borja.

Ang mga participants ay nagsimula sa entrada ng malaking park sa Bosco in città at natapos ito sa pinaka centro ng parko na sa kanilang paglalakad ay umabot ng mahigit na 30 minuto.

Pagkatapos ng kanilang paglalakad at habang nagpapahinga ang lahat ay sinabayan din ni Ernesto Bella CFC ANCOP coodinator ang pagpapaliwanag sa layunin ng ANCOP sa mga bagong graduate ng CFC.

Sa bahagi ng pagpapaliwanag ni Bella, ay sinabing ang ANCOP ay mayroong ipinapatupad na programa, tulad ng education program sa ilalim ng Child Sponsorship Program o CSP kung saan sila ay naghahanap ng mga sponsors na maaring makapag-ambag ng tulong pinansiyal sa mga batang hindi kayang tustusang pag-aralin ng kanilang mga magulang dahil sa kahirapan sa buhay. Bukod dito, ang community development program ay isa sa mga pangunahing proyekto ng naturang foundation. Ito ay ang pabahay para sa mga mahihirap, maging ang pagbibigay ng livelihood o pang kabuhayan para sa mga pamilya na nasa pinakamababang antas ng pamumuhay.

Palaro, salu-salo at kasiyahan ang nangibabaw sa nasabing pagtitipon, hanggang sa dumating si Rev. Fr. Emil Santos na galing pa sa isang misa sa Basilica di San Lorenazo.

Binasbasan niya ang mga naroroon  maging ang mga batang nabiyayaan ng mga scholarship program ng CFC-ANCOP hindi lamang dito sa Milan, kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo kung saan matatagpuan ang nasabing grupo at foundation.

Inaasahan ng buong grupo maging ang ANCOP foundation ang walang patid na tulong mula sa mga mamamayan sa buong mundo upang tulungan ang mga kapatid natin malagpasan ang kahirapan sa buhay.

 

Chet de Castro Valencia
larawan ni Jesca Bautista

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

400 euros, pabigat na halaga ng Lega Nord sa idoneità alloggiativa ng mga imigrante

Civil Service, para sa lahat at labag sa batas kung para sa mga Italyano lamang