Isang makulay at makasaysayang pagdiriwang ang naganap na Graduation Rites at Moving Up Ceremony ng International Migrants School sa Roma.
Ang tema sa ika-pitong taon, “Molded through a Resilient Educational Foundation”, ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng matibay na edukasyon sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataang migrante.
Pinangunahan ng bisitang pandangal na sina Dr. Ofelia Segovia Vega PHD, Don Pietro Guerini (Direttore dell’Ufficio Migrantes Dicastero del Vaticano) at Dott.ssa Mariagrazia Tagliabue (ATEE Secretary General) bilang mga guest speakers, kasama sina Ms. Mila Nabur, ang founder ng IMS, mga guro at mga magulang ang seremonya na ginanap sa NH Hotels. Naging espesyal ang araw dahil sa mga ngiti at tuwa ng mga mag-aaral na natanggap ang kanilang mga diploma at sertipiko.
Sa pambungad na pananalita ng guest speaker, binigyang-pugay niya ang pagsisikap at determinasyon ng mga mag-aaral sa kabila ng mga hamon at pagsubok na dala ng pagiging migrante. “Ang tema natin ngayong taon ay sumasalamin sa inyong katatagan at kakayahang magtagumpay kahit sa gitna ng mga hamon. Ipinapakita nito na ang isang matatag na pundasyon ng edukasyon ay susi sa inyong tagumpay,” ani ni Dr. Segovia.
Kasunod nito, nagbigay rin ng mensahe ang ilang guro at magulang na nagbigay inspirasyon sa mga mag-aaral na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap at pag-aaral. “Ang inyong pagtatapos ay simula pa lamang ng inyong paglalakbay. Patuloy kayong mangarap at magpursige,” sabi ng isang magulang na nagpaluha sa karamihan.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang pag-awit ng mga mag-aaral ng isang espesyal na kanta na nagpapakita ng kanilang pasasalamat sa kanilang mga guro at magulang. Ang bawat nota at liriko ay naghatid ng mensahe ng pag-asa at pasasalamat na nagbigay ng emosyonal na damdamin sa mga manonood.
Nagsilbing inspirasyon ang mga kuwento ng tagumpay ng mga nagtapos na mag-aaral. Isa sa kanila ay nagbahagi ng kanyang karanasan bilang isang migrante at kung paano siya nagtagumpay sa kabila ng mga balakid, sa tulong na rin ng IMS. “Ang pagiging migrante ay hindi hadlang upang magtagumpay. Sa tulong ng International Migrants School, natutunan kong maging matatag at magpatuloy sa pag-abot ng aking mga pangarap,” ani ng isang mag-aaral na nagtapos.
Sa pagtatapos ng seremonya, isang simpleng salu-salo ang inihanda kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga magulang, guro, at mag-aaral na magbahagi ng kanilang mga karanasan at magdiwang ng kanilang tagumpay.
Ang International Migrants School ay patuloy na nagiging tanglaw ng edukasyon para sa mga kabataang migrante sa Italya, Pilipino man o ibang lahi. Ang kanilang ika-7 Graduation Rites at Moving Up Ceremony ay isang patunay ng kanilang dedikasyon at pagsusumikap na magbigay ng de-kalidad na edukasyon sa kabila ng mga hamon.
Sa huli, ang mga mag-aaral na nagtapos ay nagbigay ng kanilang taimtim na pasasalamat sa kanilang mga guro at magulang na naging gabay at inspirasyon nila sa kanilang paglalakbay. Tunay nga, hinubog sila sa isang matatag na pundasyon ng edukasyon na magdadala sa kanila sa mas maliwanag na kinabukasan.
Ang International Migrant School ay isang independent school na nagbibigay ng preparatory education para sa College at University Course Program (k-12). Ito ay patuloy na nagsisilbi sa mga Pilipino sa Italya at gayundin sa mga multinational communities sa Roma, na nagnanais ng international education na may dalawang kurikulum na ipinatutupad.
Sa katunayan, ang IMS ay kinikilala ng Commission on Filipinos Overseas, Philippine School Overseas, Association of Philippine School Overseas, at ng Department of Education. Kinikilala din ito ng European Council of International Schools (ECIS) at ng Association for Teacher Education in Europe (ATEE).
Ang International Migramt School ay miyembro din ng European Association of Institutes for Vocational Training. Ito ay nangangahulugan lamang na magbubukas na ang mga Technical Vocational Courses sa IMS sa ilalim ng EU Project TVET. Mag-aalok ito ng mga short courses tulad ng Computer Programming na may AI introduction, Hotel and Restaurant Management, at iba pa. Ang mga mag-aaral na natapos ang Grade 12 at hindi nais magpatuloy sa unibersidad ay maaaring kumuha ng mga TechVoc courses.
Sa isang panayam kay Mr. Blas Trinidad, ang Prefect of Discipline at Spokesman ni founder Mila Nabur, binigyang-diin niya na ang dating IMS Italy ay IMS EUROPE na. Aniya “ang institusyon ay nagkaroon na ng mas malawak na saklaw. Dati, kilala ito bilang isang paaralan na matatagpuan lamang sa Italya, ngunit ngayon, kinikilala na ito bilang isang institusyon na sakop ang buong Europa”.
Dagdag pa Blas, “ang IMS Europe ay may uganayan at kolaborasyon na sa MIUR o ang Ministero dell’Istruzione, Università e Ricerche. Sa katunayan, ang mga mag-aaral na nagsipagtapos sa IMS Europe ay iniisyuhan ng nulla osta ng MIUR upang makapagpatuloy ng pag-aaral sa unibersidad sa Italya at maging sa Europa”.
Bukas na rin ang enrollment ng IMS para sa School Year 2024-2025. Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang official website ng IMS at ang social media page nito.
Mabuhay ang International Migrants School EUROPE at Mabuhay ang mga nagtapos!