in

Grand Canyao sa Italya, idinaos sa Bologna

Naging matagumpay at makulay ang idinaos na ika-apat na Grand Canyao sa Italya, na ginanap sa lungsod ng Bologna nitong nakaraang Hunyo.

Ano nga ba ang kahulugan o kabuluhan ng Grand Canyao, lalo na sa mga kababayan natin dito na mga taga-Hilagang Luzon, na kilala sa taguring Igorot o taga-Cordillera?

Sa mga taga-kapatagan at tabing-dagat sa kapuluan ng ating bansa, ang unang sumasagi sa kanilang isipan na kahulugan ng Canyao ay isa itong selebrasyon kung saan ay nagsasayaw ang mga katutubong Igorot sa saliw ng mga tugtuging mula sa mga gong o kaya naman ay sa solibao o yaong gawa sa kahoy na drum. Sa gitna ng pagdiriwang ng piyesta ay ang isang masaganang pagsasalo-salo at may pauwi pang “wat-wat” o kapirasong karne na nakabitin sa kawayan o taling gawa sa rattan.

Para sa mga taga-Cordillera, ang canyao ay mahigit pa sa isang selebrasyon. Isa din itong pang-liturhiyang serbisyo o ritwal ng paghahandog o kaya naman ay pagbubunyi at pasasalamat dahil sa produktibong pamumuhay at masaganang ani . Ang canyao ay idinaraos din sa mga kasalan, paggaling sa sakit na taglay, pagsisilang ng mga sanggol, paglilibing sa mga yumao at sa mga paglalakbay ng mga kaanak.  Ang “mambubunong” o mga katutubong pari ay naghahandog at nangunguna sa pagdarasal at pag-aalay ng mga hayop, pagkain at iba pang bagay para bigyang-lugod ang mga espiritu.

Ayon sa pambungad na pananalita ni Marilyn Padcayon Aro-forte, ang nakaraang pangulo ng Samahang Cordillerans ng Bologna at siyang naging punong-abala sa idinaos na selebrasyon, ang Canyao dito sa Italy ay isang pagbubuklod din ng kanilang komunidad dahil nagmula ang mga delegasyon sa anim na mga  samahan dito sa Italya, ang Cordillerans in Rome, ULNOS di Mountain Province-Rome, Group of Tinguians in Turin, Cordilleran Migrant Workers Association, Dap-ayan di I Montaniosa in Northern Italy at ang Cordillerans in Italy Bologna-Modena. Mula naman sa iba pang bansa ay ang mga samahan mula sa United Kingdom, Netherlands, Germany, Spain at Austria.

Ang kanilang naging panauhing tagapagsalita ay si G. Archibald Nabus, na taga-United Kingdom, dating pangulo ng  Igorots in UK at sa kasalukuyan ay siyang tagapayo ng grupo.  Sa kanyang mensahe, ibinahagi niya ang mga karanasan noon ng mga Igorot , kung paano naging biktima ng diskriminasyon at pagka-api mula sa mga kamay ng mga gumamit dito sa eksibisyon sa St Louis World’s Fair, taong 1904 at sa Coney Island, New York,  USA noong taong 1905 .

Sa ngayon, sa presensiya ng mga Igorot sa Europa at sa iba pang panig na mundo, naging adhikain nila na makilala sila bilang “Global Igorot Citizens”, na may mayamang kultura na maipamamana sa mga susunod pang henerasyon at laging ikintal sa isipan ng mga kabataan , maging ng katandaan , na huwag makalimot sa kanilang pinagmulan bagkus ay ipakilala ang mga taglay na katangian at kagalingan bilang mga Pilipino. Ika nga niya, “Our culture is our legacy”.

Panauhing pandangal din ng araw na iyon ang bagong katatalagang Consul General ng Philippine Consulate Irene Susan Natividad. Binanggit niya na ang ugat nating mga Pilipino ay ang siyang pagkukunan natin ng lakas bilang mga indibidwal. Kaya kung saan man tayo dumako, mananatili pa rin sa atin ang namanang kultura at tradisyon at kaya pa rin g suungin ang anumang pagsubok.

Naging interesante din ang mga presentasyon ng bawat grupo dahil nagpapamalas ito ng mga angkin nilang kasanayan sa pagtugtog at pagsayaw. Kaya maging ang mga panauhin ay naingganyang makisali sa kanilang Tayao o sayaw-Cordilleran . Bawat presentasyon ay may kahulugan sa kanilang kultura at paniniwala. May live music band din na nagpasigla sa lahat lalo na at ang kabiyak ni Marilyn na si Giuseppe Forte, isang Italyano, ay nagparinig ng mga awitin sa diyalekto ng kanilang lugar sa Cordillera.

May side exhibit din ng obra ni MaDittz, ang Pinay painter ng Bologna, kung saan ay ipininta niya si Whang-Od, ang pamosong Tattoo Artist ng Cordillera Region, bilang pagbibigay-pugay sa pagkapili  na gagawaran ng pagkilala ng National Commission on Culture and Arts sa Pilipinas.

Ang Grand Canyao sa Italya ay ginaganap tuwing ikalawang taon, na sinimulan noong taong 2012. Ang kanilang mga adhikain ay mas lalo pang mapatatag ang kanilang pagsasamahan, makapagdaos muli ng Grand Canyao sa iba pang lugar at maipakilala at mapaunlad pa ang pamanang iniwan sa kanila ng kanilang mga ninuno at maisalin sa mga susunod pa nilang henerasyon.

 

Dittz Centeno – De Jesus

larawan ni: Gyndee

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Lavoro grigio: ano ito at sino ang nabibilang sa kategoryang ito?

TGBI-TO Sportsfest 2018 sa Empoli: Hatid ay saya at pagkakaisa