Naging tampok ang grupong kultural ng mga kabataang Pilipino sa Cagliari bunga ng kanilang pagpapakikita ng kakaibang sayaw na Pilipino sa isinagawang Festa dei Popoli sa Parco ng Monte Claro.
Ang programa na isang proyekto ng Provincia di Cagliari at ginaganap tuwing Araw ng mga Manggagawa ay nasa ikatlong edisyon na. Ngayong taon lamang na ito lumahok ang mga Pilipino.
Ang grupong kultural ng Kabataang Pinoy (na tinaguriang ‘Gintong Pamana’) ay tumanggap ng mga paghanga at papuri mula sa mga taong saksi sa nasabing programa, bunga ng mga nakakaaliw na indak ng sayaw ng pandanggo sa ilaw at tinikling.
“Binabati ko kayo at pinasasalamatan sa inyong naging paglahok sa okasyong ito”, pahayag ni Assessore Angela Quaquero habang ipinagkakaloob ang Plaque of Appreciation para sa grupo.
“Kakaiba ang inyong presentasyon at nakakatuwa ang mga kabataang ito. Magaling. Magaling”, ang maemosyonal na sambit ni Gng. Rosanna Montenegro, isa sa mga Cultural Mediators ng Probinsiya sa sumusuporta sa gawain ng mga Pilipino. ‘Maaari pala kayong lumahok sa iba’t-ibang programa para sa iba’t-ibang lahi sa mga susunod na okasyon. Kahanga-hanga ang inyong grupo. Dagdag pa niya.
“Proud ako habang tinitingnan ko sila. Nakakaalis ng pagod at kunsumi ang pagpapakita nila ng desiplina habang sumasayaw na. Pakiramdam ko nasuklian din ng mga batang ito ang mga kakulitang pinaggagawa nila sa mga nagdaang araw ng mga praktis’, pag-amin ni Cecelia Evangelista. ‘Sa kanila ko nagagampanan sa ngayon ang mga dating ginagawa ko noong nagtuturo pa ako sa School sa Pilipinas. Kaya kahit pagod. Masaya ako sa ginagawa ko’, dagdag pa ng masipag na choreographer ng Gintong Pamana.
Masaya naman kaya ang mga magulang ninyo? “Opo”, ang sabay-sabay na sagot ng mga bata.
Sa kasalukuyan ang Gintong Pamana pa lamang ang grupong kultural na Pilipino dito sa Cagliari na may pagsisikap ipakilala ang kulturang Pinoy sa mga lokal na naninirahan at pamayanan dito. Naipamalas na rin minsan ng mga batang ito ang kanilang talento sa nagdaang pagbisita ng delegasyon ng Konsular sa Cagliari noong Marso.
Ang mga mananayaw ay kinabibilangan nina Maricris, Julia, Rhea, Jennyrose, Jef, Ivan, Darryl, Jerome, Stanley at Leomar. Samantalang ang mga “Ate” naman na tumutuwang para mangasiwa sa kanila ay sina Lenny, Michie, Saisan at Cecile (ang choreographer).
Para sa mga Gintong Pamana Members and Supporters, Filipinos are truly proud of You. (Elmer Orillo – Cagliari)