in

GUARDIANS Emigrant (GE) Montecatini, kinatawan ng Filipino community sa “Marcia Armonia for Peace 2018”

Opisyal ng nagtapos ang  pagdiriwang ng ika-8 taong anibersaryo ng “Marcia Armonia for Peace” na isinagawa sa Montecatini Terme na inilunsad ng Dance Lab Armonia sa pangunguna ng Artist Director na si Antonella Lombardoat ni Elisa Catolfi at sa pakikipagtulungan Comune di Monsummano Terme, Assessorato al Turismo, Regione Toscana, ilang Comuni ng Probinsya ng Pistoia, LAD Laboratorio Accademia Danza, UniCoop Firenze sa lugar ng Valdinievole, LIBERA Associazioni, Nomi e Numeri contro le mafie at ng Diyosesis ng Pescia.

Ang taunang paradang ito ng “harmony for peace” ay nakapaloob sa isinagawang International Campus na may mga delegasyon mula sa iba’t-ibang panig ng mundo tulad ng Israel, Egypt, Giordania, Pilipinas, at napakaraming asosasyon na andito sa Italya. Karamihan sa mga bisitang nagmula pa sa ibang bansa ay tumira ng mahigit isang buwan sa canonica ng Monsummano alto. Nagsimula ang campus project noong unang linggo ng buwan ng Setyembre. Lahat ng kalahok ay naging abala na at nakiisa sa pinakaunang conference na may pamagat na “Disabilità per la Pace”. Ang naging moderator ay ang tanyag na Professor na si Massimo Toschi. Ayon sa kanya malayo na ang narating ng kampanyang isinasagawa para sa mga karapatan  ng mga may kapansanan at ito ay walang kinikilingang kulay o estado sa sosyudad. Maraming inisyatiba ang nagiinvolve na ng mga disabled persons tulad ng sektor ng sports, sining, at agham. Ito ay dahil din sa pagiging aktibo ng mga asosasyon sa lahat ng parte ng bansa.

Naging tampok din sa mga araw ng Campus ang “Danzare per la pace” kung saan nagpakita ang mga international dancers ng kanilang galing sa pagsayaw na kinabibilangan ng taga Syria na si Ahmad Joudeh at ang pambato ng Dutch National Ballet na si Samantha Van Den Doel.

Ang closing ceremonies ng nasabing mahabang pagdiriwang ay ginanap noong ika-4 ng oktubre, araw ng huwebes, at mismong araw ng kapistahan ng patron ng kapayapaan na si St. Francis of Assisi, ang isa sa mga patron ng bansang italya kasama si Sta. Caterina di Siena. Nagsimula ang parada sa harap ng munisipyo ng Monteacatini patungo sa Piazza Giusti ng Comune di Monsummano Terme. Mahigit isang libo ang nakiisa sa parada kung saan ang karamihan ay mga magaaral ng mga paaralan sa buong probinsya ng Pistoia. Ang nasabing parada ay isang simbolo ng pagkakaisa, kapatiran, at franciscan spirit of peace. Mapapansin din ang maraming kinatawan mula sa Regione Toscana, mga alkalde ng mga karatig na lungsod at iba’t-ibang mga asosasyon ng teritoryo.

Ang Guardians Emigrant ng Monteacatini Terme, bilang tugon sa paganyaya ni Katia Moschini, ang kumatawan sa komunidad ng mga pilipino sa rehiyon, presensyang lubos na ikinagalak ng mga namumuno sa probinsya. Ayon sa kanila, ang paggugol ng panahon na ito ng mga migrantes ay patunay lamang na buhay ang diwa ng integrasyon sa lipunan na kanilang ginagalawan. Pinuri din ni Bishop Roberto Filippini ang Guardians dahil sa ipinapakitang pakikiisa sa mga adhikain ng local government at sa pagiging laging visible kung saan kinakailangan ang partesipasyon at laging nakahanda ang mga kamay na tumulong.

Sa pagtatapos ng pagdiriwang ay inihain ng ilang leaders ng mga asosasyon ang kanilang mungkahi na magkaroon ng “gemellaggio” o partnership sa mga asosasyon upang mas lumawak ang network ng mga voluntary associations sa loob ng Valdinievole. Inaasahan ng lahat na sa susunod na taon ay muling magpapakita ng mas malaking suporta ang mga organisasyon sa toskana, at ang Guardians Emigrant ay nangako na ng kanilang positibong tugon.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Welcome Day International Students, Pagsalubong ng Bologna

Immigration Policies and Programs for Returning Migrants, tinalakay sa PCG MIlan