Idinaos nuong ika 6 ng Oktubre ang anibersaryo ng GE-RCL sa Don Orione Theater at kasabay nito ay isinagawa ang pagsasalin ng panunungkulan sa mga bagong halal na opisyal.
Si Severino Maderazo Jr. ang pumalit kay Totsie Evangelista sa pagiging Pangulo ng GE-RCL. Pinangunahan naman ni Nazareth Larido ang Panunumpa ng mga bagong halal na opisyal. Inihanda naman ni Ghannie Planner Pascual ang seremonya ng pagsasalin ng panunungkulan.
Isa ang GE-RCL sa mga naging sangay ng Guardians Emigrant Legion dito sa Italya. Bukod sa kanila ay naitatag ang GE Montecatini Terme na pinamumunuan ni Mirasol Cabaltera, GE Vatican City ni Ihboy Morales, GE Pistoia Chapter ni Jeff Ella at GE Central Legion ni Kentz Bossing Cavite.
Ang GE-RCL ay itinatag nina Teddy Evangelista at Tony Hernandez nuong taong 2015. Apat na taong sikhay at sigasig ng mga namumuno at mga kasapi na nagbunga ng mahigit kumulang na 30 proyekto ng grupo.
Nuong panahon ng Bagyong Nona na sumalasa sa mga kabayanan ng Oriental Mindoro, sila ay nakapagbigay ng mga “relief goods” sa mga nasalanta ng bagyo. May mga natulungan na din silang mga may sakit, batang nangailangan ng kamang matutulugan, paglilinis ng mga simbahan, kalye at publikong pasyalan. Marami na din silang naging proyekto sa mga paaralan tulad ng “mass feeding program” sa mga mag-aaral, pagpapagawa ng mga bubong ng silid-aralan at marami pang iba. Sa kasalukuyan, matapos ang anibersaryo isang batang maysakit na taga Baruyan ang inilapit sa grupo subalit sa kasawiang palad sya ay pumanaw na din. Kaya naman ang tulong ay ipinaabot na din sa pamilya ng bata. Isa pang pagmamagandang loob na tulong na pakikramay sa isang yumaong kababayang taga Baco ang pumanaw dito sa Roma ang kanilang tinutulungan para maiuwi ang labi sa Pilipinas.
Nakapagtatag na din ng 3 sangay ang samahan sa Pilipinas. Ang GE 1st Squadron Legion Katwiran 2 Baco Oriental MIndoro, GE 1st Quarter Legion Cluster Baruyan Calapan City at GE 1st Infantry Canubing 2 Calapan City.. Humigit kumulang ng mga 200 ang kasapi ng GE RCL kabilang na ang mga sangay nito sa Pilipinas
Sa kabila ng tagumpay ng GE-RCL ay masasabing malaking bahagi ang mga “Madonna”, ang mga Ginang at maybahay ng mga kasapi na sumusuporta at nagbibigay ng tulong sa lahat ng mga aktibidad at proyekto ng grupo. Alam natin na ang lahat ng mga kasapi ay may kanya-kanyang mga pamilya subalit dahil na din sa pang-unawa at pagsuporta ng mga butihing asawa ay lalong nagiging matagumpay ang samahan.
Naging panauhing pandangal ng pagtitipon si Madam Pia Gonzalez Abucay at nagbigay sya ng magandang pananalita at binigyan diin nya ang “pagkakaisa” at “pagtulong sa kapwa” ng grupo na nagkaroon ng 24 na proyekto sa loob ng isang taon at hanggang ngayon ay patuloy pa ding tumutulong sa ating mga kababayan sa Pilipinas.
Labis ang kagalakan ng buong GE-RCL sa pagdalo ng iba pang grupo ng mga “kapatid sa balikat” na Guardians. Masaganang salu-salo sa masasarap na pagkain, inumin, kantahan at sayawan ay siguradong hindi nawala sa kasiyahan. Maraming mga bisita ang nakilahok sa programa sa paghahandog ng kanilang bahagi sa programa.
Ang GE-RCL ay patuloy na umaasa sa suporta ng mga kapamilya, kasamahan, kaibigan para sa pagpapatuloy sa mga nasimulang adhikain… ang pagtulong sa kapwa sa abot ng kanilang makakaya at magagawa. At sa lahat ng mga kapatid sa balikat…
MABUHAY ANG GUARDIANS!!!
“Gawin ang maliliit na pagtulong ng may buong pagmamahal”
-Madre Teresa-
Teddy Perez