Naisakatuparan ng Guardians International 1st Legion Vatican City (GI-VCIL) at ng AS FIL-ROMA ang “Handog saya at Feeding Program” sa San Pedro Child Development Center nitong Pebrero.
Matagumpay na naisakatuparan ng Guardians International 1st Legion Vatican City (GI-VCIL) at ng AS FIL-ROMA ang kanilang “Handog saya at Feeding Program” sa San Pedro Child Development Center noong nakaraang Pebrero 3 na ginanap sa Bloomingdale covered court sa Barangay San Pedro Angono, Rizal.
Bakas na bakas sa mga mukha ng 120 tatlong taong gulang na mga bata ang saya habang kumakain ng kanilang kanin at fried chicken lalong lalo ng nagkagulo ng makita nilang pumapasok si Mascot Jollibee sa court. Bukod sa mga bata, masayang masaya din ang mga magulang ng mga bata habang nakamasid at naka-alalay sa mga anak tangan ang pinggang pansit at hiwa ng puto.
Nagsimulang tipunin nina Rowena Villanueva at Katherine Tahaw ang mga bata ng alas 9 ng umaga at naghanda sila ng awit at sayaw para sa mga manunuod. Kahanga-hanga ang kanilang pamamahala para maiayos at mapaupo sa kanya-kanyang mga silya ang 120 bata. Dumating naman ang tropang Jollibee ng alas 11 at pinakain ang mga bata. Inasikaso naman ng grupo ng STECAFRASS kasama si Bebs Reyes at Dinky Bernardo ang pagpapakain sa mga magulang. Nang makakain at makapahinga ang mga bata ay nagpalaro ang tropang Jollibee na lalong ikinasaya ng mga bata.
Nagbigay ng maikling pananalita at pagbati ang Angono Mayor Gerardo Calderon at si Kapitan Jonathan Hernandez ng Brgy San Pedro. Pinasalamatan nila ang GI-VCIL at ASFILROMA sa pagkakapili ng kanilang Bayan at Barangay para sa proyektong ito. Lubusan ding nagpapasalamat ang mga magulang ng mga bata at mga guro ng San Pedro Child Development Center. Bilang pasasalamat, naggawad naman ng “Certificate of Appreciation” ang mga guro ng day care sa GI-VCIL at AS FIL-ROMA.
“Maraming salamat po sa inyo, napagkasunduan po naming mga magulang na tulad nyo… gumawa din ng mga feeding program sa mga bata” ang wika ng isang magulang.
Nagpapasalamat din ang GI-VCIL at AS FIL-ROMA sampu ng Guardians International 1st Legion (ITALY) sa lahat ng sumuporta at naging bahagi ng proyektong ito ganun din sa TBAI sa pangunguna ni Ate Eiron, NESHOP, JM Josie Manuel at Tembong Sounds.
ni Teddy Perez