in

Hannah, mabuti na ang kalagayan at tuluyang nagpapagaling kapiling ang mga mahal sa buhay sa Roma

Matapos mag-agaw buhay ni Hannah Bondoc, ang 29 anyos na nabundol ng isang 21 anyos na Italyana at nagtamo ng matinding physical injuries dahil tumilampon ng ilang metro mula sa pedestrian lanes kung saan tumatawid noong nakaraang Hulyo 31, sa Via Cassia Roma,  ay kasalukuyang malayo na sa peligro ang buhay, mabuti na ang kalagayan at tuluyang nagpapagaling kapiling ang kanyang ina at tiyahin na dumating na sa Roma nitong October 14 upang sya ay alagaan.

Matatandaang matapos ilathala ng Ako ay Pilipino ang balita ukol sa aksidente ay nag-viral ang paghahanap sa tunay na pagkakakilanlan ng Pinay at mga kaanak nito sa Pilipinas. Mabilis ang naging paghahanap sa mga kaanak nito sa pamamagitan ng social media.

Hindi ko alam na si Hannah ang naaksidente. Kaya noong nabalitaan ko, sya ay aking pinuntahan sa ospital at inalagaan na parang tunay kong anak”, ayon kay Letty Magtibay, ang 56 anyos na naging tila ikalawang Ina ni Hannah na nag-aruga, nagbantay at halos araw-araw na dumadalaw sa ospital, kasama si Adorina Bautista, ang kaibigan ni Hannah, dahil ang biktima ay walang kaanak sa Italya.

Bagaman 3 linggo pa lamang na naninirahan si Hannah kay Letty sa Anagnina Roma, ay hindi nagdalawang isip ito upang tumayong tagapag-alaga ng biktima. “Naging malapit ang loob ko kay Hanna dahil para syang anak ko na nagsasabing gagabihin ang uwi at nagpapa-alam sa akin”, kwento ni Letty.

Si Hannah ay isang buwan at kalahating nasa ilalim ng pharmacological coma. Halos tatlong buwan na sa Policlinico di Tor Vergata. Dumaan sa maselang operasyon, tinutukan ng mga espeyalista upang muling makapagsalita at makagalaw at kasalukuyang sumasailalim pa rin sa iba’t-ibang analysis sanhi na rin ng psychological at mental bukod pa sa physical trauma na tinamo nito.

Lolita Bondoc, Adorina Bautista, Remy Ambolario at Letty Magtibay

Kaya naging napaka saya ko para kay Hannah dahil sa tulong ng ating mga kababayan at ng pribadong tanggapan ay nakarating ng maluwalhati ang kanyang Ina at Tiyahin dito sa Roma dahil iyon ang pinakahihiling niya”.

Nasaan ang Mama ko? Punta ba sya dito?”, ito aniya ang unang isinulat ni Hannah sa isang papel noong hindi pa sya nakakapagsalita at tanging kamay pa lamang ang naigagalaw. Tanging hiling ng isang anak na nais magsumbong at naghahanap ng kalinga mula sa kanyang Ina sa hirap at tindi ng sinapit.

Inamin kasabay ng matiding pag-iyak sa Ako ay Pilipino ng Ina na si Lolita Bondoc, tubong Pampanga, na hindi nya nakuhang matingnan ang mga larawan ng anak na ipinadala sa kanya dahil napakasakit aniya na malayo siya sa natatanging anak sa panahong kailangan sya nito.

Ako po ay isang manicurista lamang. Hindi ko po alam kung ano ang dapat kong gawin, wala akong sapat na halagang hawak. Sya po ang aking nag-iisang anak, ako ay biyuda na at ako ang nag-aalaga sa kanyang anak na 9 na taon, si Lorenzo”.

Lalong naging mabigat umano ang pasanin ni nanay Lolita ng nabigo sa anumang tulong mula sa Embahada sa Italya, DFA at ibang ahensya ng gobyerno sa Pilipinas na kanilang pinaniwalaan at pinanghawakan.

Aniya, sa tulong na rin ng mga volunteers na Pilipino sa Roma tulad nina Daisy Solomon at Benette Ramirez ay kanilang natunton ang mga kaanak ni Hannah. At sa tulong naman ng pribadong tanggapan ng CSC ni Liza Bueno at sa pakikipagtulungan ni Ramirez, Atty. Valentina Chianello at mga kasamahan nito na sina Stefano Muni at Antonio Accolla, sila ay nakarating sa Italya ng hindi naglabas ng kahit isang kusing man lamang matapos mawalan ng pag-asang maalagaan ang kanyang anak sa pagpapagaling nito sa Roma.

Magkaroon po ng higit na concern sa mga ofw dahil sa naging experience ko sa pag-aasikaso ng papel sa Pilipinas, pasa-pasa, hindi alam kung saan ako papupuntahin at walang kasiguraduhan ang tulong sa pamangkin ko na nag-aagaw buhay sa Italya na walang kasamang kaanak at sila lamang ang inaasahan namin na makakatulong sa amin. Sa halip na tulong ay lalong tumagal ang panahon upang kami ay makarating dito sa Roma. Sa bandang huli, wala pala kaming matatanggap na tulong”. Ito ang panawagan sa gobyerno ng Pilipinas ni Remy Ambolario na tiyahin ni Hannah na nagtiyagang mag-ayos ng mga dokumento sa Pilipinas.

Sa kabila ng sinapit ay lubos ang pasasalamat nina nanay Lolita at tita Remy dahil sa pag-aalaga kay Hannah sa ospital, sa pagbibigay ng updates sa kalagayan ni Hannah araw man o gabi at laong higit sa tulong na kanilang patuloy na natatanggap.

Bagaman nananatiling nasa Policlinico di Tor Vergata si Hannah ay inaasahang nalalapit na rin ang kanyang paglipat sa isang rehabilitation Center para tuluyang magpagaling kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.

PGA

 

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

EC long term residence permit sa pagtanggap ng assegno sociale, kinumpirma ng Court of Appeal

permesso-lungo-soggiornanti-ako-ay-pilipino

Contratto indeterminato, obligado sa pag-aaplay ng EC long term residence permit?