in

Hazel Morillo, gumanap bilang Marilou sa pelikulang Se Chiudo Gli Occhi Non Sono Più Qui

Maging si Hazel Morillo ay may pangunahing role bilang 'Marilou' sa Italian film na Se Chiudo Gli Occhi Non Sono Più Qui.

Sa pelikulang ito, si Kiko (Mark) ay anak ni Marilou (Hazel) sa isang Italyano. Nang mamatay ang kanyang ama, nagkaron ng panibagong partner ang kanyang ina, na si Ennio na nagrerecruit ng mga ilegal na trabahador. Si Kiko ay nagtatrabaho kasama ng mga ito. Nang siya ay nagdesisyon na mamalagi sa isang abandonadong bus, doon niya nakitang muli ang dating kaibigan ng kanyang ama na siya namang kanyang inaasahan na magbabago ng takbo ng kanyang buhay.

Kasama rin sa pelikulang ito ang 12 anyos na si Kim Dequilla bilang batang Kiko.

Sa isang panayam kay Hazel na taga Ancona, kasabay ng pagsisiwalat ng Pinay sa kanyang naging karanasan ay lubos rin ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumusuporta sa kanya.

Saan mo natutunan ang pag-arte?

Maliit pa lamang ako ay sinasabing nasa dugo ko na ang pag-aartista ngunit hindi ko kaylan man binigyan ito ng pansin, hanggang sa dumating ang pagkakataong nakalaan para sa akin.

Pangarap mo ba ito?

Marami akong pangarap . Ngunit sa ngayon, nais kong lasapin ang magandang pagkakataong ito at manatiling simple tulad ng dati. Ang tadhana na lamang ang magdadala sa akin sa tamang landas. Sapat ng alam ko na may kapasidad ako sa pag-arte, tulad ng role na ipinagkatiwala sa akin bilang Marilou na isang mahirap na character.

Paano ka napili bilang bida sa pelikulang ito?

Nagkaroon ng isang audition at naniniwala ako na naiparamdam ko ang kanila ang hinahanap na karater, kung kaya’t ako ang kanilang napili.

Sino si Marilou?

Natagpuan ko sa aking sarili ang character na si Marilou sa pagiging matatag nito. Ginampanan ni Marilou ang pagiging isang ina sa kabila ng lahat ng mga hirap sa buhay at hinarap ito ng may tapang, lakas ng loob at pagmamahal. Isang babae na nakipagsapalaran sa pagiging isang ina at pagiging isang babae. Para sa akin, lahat ng ina ay handang gawin ang mga ito.

Ano ang masasabi mo sa naging karanasan sa pelikulang ito?

Malaking karangalan ang maging kasama sa pelikula ang mga mahahalagang tao sa industriya. Isang maganda at mahalagang pagkakataon na mananatili sa aking puso. Natuto ako ng mahahalagang bagay, personal at maging sa trabaho na aking dadalhin habang buhay.

Bilang isang bidang Pinay, ano ang iyong naramdaman?

Ipinagmamalaki ko na ako ay isang Pilipina. Huwag nating kakalimutan na tayo bilang Pilipino ay may angking  talino rin sa larangan ng pag-arte. Ang pagiging isang artistang Pinay ay hindi pangkaraniwan dito sa Italya at talagang isang karangalan ito para sa akin. Mahalagang ipagmalaki rin natin ang ating kultura bilang Pilipino.

Samantala, si Kim Dequilla, 12 anyos at ipinanganak sa Roma, ang gumanap bilang batang Kiko. Kaswal ang naging pagkikita ng direktor at ng ina ni Kim, subalit ito ang naging daan upang gampanan ng binatilyo ang kanyang papel bilang batang Kiko. (ulat ni Jacke de Vega)

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Mark Manaloto, ang Kiko sa pelikulang ‘Se Chiudo Gli Occhi Non Sono Più Qui’

Dalawang Pinoy, bida sa isang Italian film