Makabuluhang pagdiriwang bilang paggunita sa kapistahan ni Beato Pedro Calungsod, gayun din ang anibersaryo ng Pundok ni Beato Pedro Calungsod Community sa Roma.
Rome, Abril 24, 2012 – Ipinagdiwang ng mga Cebuano ang ika-16 na taong anibersayo ng Pundok ni Beato Pedro Calungsod Community sa Santa Marcella Parish Church sa Roma noong April 15, 2012. Ito rin ang ika-13 taon at huling pagdiriwang ng paggunita sa kapistahan ni Pedro Calunsod bilang ‘Blessed’ dahil sa nalalapit na canonization bilang Santo nito sa Roma sa nalalapit na Oktubre.
Dinagsa ng mga deboto ang kapistahan ng magiging santo na sinimulan ng banal na misa. Main celebrant si Fr. Romeo Velos, ang chaplain ng Centro Pilipino kasama ang Spiritual Adviser ng community na si Rev. Fr. Mhar Vincent Balili,
“We are very happy specially all the Filipinos here in Rome. In fact there are already preparations being done for the canonization of Blessed Pedro Calungsod, lalo na kung sya ang magiging patron saint ng mga ofws”, ayon kay Fr. Mhar.
Samantala, para naman kay Zeny Baro na aktibong namumuno sa community, “Kami na mga Cebuano sa Rome ay masaya dahil unang una dala namin ang pangalan niya, pangalawa magiging ikalawang santong Filipino sya. Kami ay magdadasal, we don’t need to translate anymore, naiintindihan na ni Pedro Calungsod ang mga prayers namin”, masayang komento ni Baro.
Malaki naman ang naituro ng ginanap na pagsasadula ng buhay ni Pedro Calungsod sa mga deboto at mga kabataang dumalo sa pagdiriwang. Magkahalong emosyon at kaba naman ang naramdaman ni Jun Pamplona sa pagganap sa katauhan ni Pedro Calungsod at para sa kanya ay napakalaking karangalan ang gampanan ang makabuluhang halimbawa ni Pedro Calunsod. Sinundan ang paggunita sa buhay ni Pedro Calungsod ng mga awitan at sayawan na lubos namang ikinatuwa ng mga panauhin ng pagdiriwang. Sa isang masaganang hapag nagtapos ang okasyon ng huling pagdiriwang ng kapistahan ni Beato Pedro Calungsod. (ni: Diego Evangelista)