Ang isang Pamilyang binibigkis ng isang Pananampalataya, Pagkakaisa, at Pagmamahalan ay may taglay na kakayahan upang maisakatuparan ang layunin at minimithing mga pangarap…”kayang- kaya kung sama-sama”.
Rome, Abril 26, 2012 – Ito ang pinatunayan ng ilunsad ng Sentro Pilipino Chaplaincy dito sa Roma ang proyektong pagbuo ng ating Bandila sa pamamagitan ng mga Kabataang Pinoy ( Human Philippine Flag Formation). Ginanap ito noong April 22, 2012 sa mainit na Pagtanggap ng Pag-ibig kay Hesus Community, Sts. Peter and Paul Basilica, Eur.
Pinangunahan ito ng ating Chaplain Fr. Romeo Velos, CS na siyang sumuporta sa Sentro Pilipino Youth Ministry (SPYM). Nagbigay kulay din ang pagdating ni Ambassador Mercedes Tuazon ng Philippine Embassy to the Holy See, Vice Consul Jarie Osias ng Philippine Embassy to Italy at ang mga Consiliegri Aggunti na sina Mr. Romulo Salvador, Mr. Bong Rafanan, Mr. Conrado Dolor.
Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa sama-samang pagtutulungan at suporta ng mga sumusunod: Filipino Community Coordinators, Family Youth Ministry, Deus Fratres, Evangelizers, ASLI, Couples for Christ, Guardians, AKIT Staff, Photograhers’ Guild, CSP, Phil. Nurses Association at iba pang mga volunteers na ang adhikain ay makatulong sa mga Kabataan.
Layunin ng Sentro Pilipino na mapagtibay ang Pamilyang Pilipino lalo’t higit ay mabigyang pansin ang mga kabataan.
Masiglang Inumpisahan ng emcee na si Fr. Junar dela Victoria ng Collegio Filippino ang espesyal na araw na iyon. Ang lahat ng naroroon ay kinakitaan ng excitement sa kung ano ang mga magagandang mangyayari. Kaagad na sinimulan ang pagpapalipad ng mga lobo na may mga kulay puti, bughaw, pula at dilaw na sumasagisag sa ating Pambansang Bandila. Ito ay sinundan ng Pananalangin at Oath of Camaraderie and Sportsmanship.
Halos karamihan sa mga kabataang Pinoy na nagsidalo ay isinilang at lumaki dito sa Roma kung kaya’t nakaaantig ng puso ng pumailanlang ang Pambansang Awit habang nakatayo ang lahat, nakahawak- kamay sa kanilang dibdib bilang tanda ng paggalang at pagbibigay- pugay sa ating pagka-Pilipino.
Sa moderno at maunlad nating panahon sa ngayon ang mga maka-bagong teknolohiya tulad ng computer, play station atbp ay siyang libangan ng mga kabataan. Nakakalungkot isipin na naisantabi na lamang ang mga larong pinoy noon katulad ng patintero, sipa, tumbang preso atbp. Kung kaya nga’t muling sinariwa at ipinakilala sa mga kabataan ang mga pambansang laro na ito. Napuno ang paligid ng palakpakan at halakhakan habang ipinamalas ng mga kabataang pinoy ang kanilang galing at lakas. Mababakas sa kanilang mga mukha ang saya at sigla na lalong biniyayaan pa ng magandang panahon.
Ang Disiplina ang naging pangunahing aspeto sa pagbuo ng Human Flag. Hindi madali ang likumin ang ilang daang bilang ng mga kabataan, subalit sa tulong at kooperasyon ng bawat isa, suot ang mga damit ng kalinisan, katapangan, pagkakaisa, pag-asa at kapayapaan ay nagawang maitatag at sama-samang naiwagayway ang Bandila ng ating Bansang Pilipinas.
Kapag sinabi mong tradisyon at kulturang Pilipino ay hindi mawawala ang masaganang hapag-kainan na may Bendisyon at Panalangin ng pasasalamat na masayang pinagsaluhan ng lahat. Anumang kaunti na pinagsama-sama ay sadyang higit pa sa inaasahan.Kasama na rito ang bayanihan na sadyang likassa ating kaugalian.
Bago matapos ang maghapon ay ipinagdiwang ang Sentro ng Selebrasyon, ang Banal na Misa, na ginanap sa Simbahan ng Sts. Peter and Paul bilang Pagdakila at Pasasalamat sa ating Panginoong Diyos na pinagmumulan ng lahat ng lakas, biyaya at mga pagpapala sa kanyang mga nilikha.
Nagbigay galak din ang mga inihandang Raffle prizes para sa mga mapalad na nakiisa sa araw na iyon.
Napakagandang pagmasdan na nagkatipon-tipon ang mga migranteng Pilipino sa Roma bilang isang pamilyang nagmamahalan, ang lahat ay may iisang diwa, isang adhikain na maisulong ang kulturang Pinoy na sadyang nangibabaw sa iisang kilos at pagkakaisa na ipinamalas ng lahat upang magbigay inspirasyon sa ating mga kabataan. Saan mang sulok ng mundo, sadyang maipagmamalaki natin, iba talaga ang tatak Pilipino.
Ang SPC- Roma ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng nakibahagi at sa lahat ng mga sumuporta upang maging matagumpay at makabuluhan ang nasabing okasyon. Nawa’y ito ay maging simula lamang ng marami pang pagsasakatuparan at tagumpay ng mga proyektong Pilipino na makatutulong sa paghubog ng isang makabagong “Juan” na isinilang at lumaki man sa bansang banyaga ay taglay ang Puso at diwang Pinoy…Maka-tao, maka-bayan at higit sa lahat ay maka- Diyos.