in

Hustisya para kay Corazon, sigaw ng mga Pinoy sa Campidgolio

Justice for Cory! Giustizia per Cory!

 

Roma, Mayo 30, 2015 – Minsang pang tumugon ang buong komunidad at  tinatayang higit sa apat na raang (400) katao ang dumalo sa pagtitipong tinawag na “Raduno di Solidarietà e Preghiera” na ginanap noong Biyernes sa Piazza del Campidoglio sa Roma.

Kasabay ng pagluluksa, sa pangunguna ng European Network of Filipinos Diaspora o ENFID – Italy, layunin ng naturang pagtitipon ang sama-samang manalangin bilang iisang komunidad para sa katarungan at hustisya ng pagkamatay ni Corazon Abordo Perez, ang Pilipinang nakaladkad ng sasakyang minamaneho ng 3 menod de edad na nomads noong nakaraang Miyerkules.

Makita natin ang pagmamahal ng Diyos sa pinakamalulungkot na kaganapan sa ating buhay. Bahagi nito ang pagpapatawad, paghingi ng tawad at maging ang kaparusahan sa mga nagkasala”.  Mga salita ng pagninilay buhat kay Padre Bobby Schultz na naka-antig sa damdamin ng mga dumalo.

Malungkot ang araw na ito, ngunit nais naming ipadama bilang institusyon ang init ng aming pakikiramay at pakiki dalamhati sa pamilya ni Corazon at sa buong komunidad”, ayon kay Vice Mayor Luigi Nieri. “Ngunit ang mahalaga – dagdag pa nito – na ngayong araw na ito, tayo, mga Romans at mga Pilipino, kasama ang mga konsehal ng majority at opposition, ay magkakasama bilang komunidad  at bahagi ng iisang lungsod ng Roma, sa kabila ng trahedyang naganap sa pamilyang ito”.

Sa katunayan, kasama ng Bise Alkalde na nakiramay ang mga Assessors ng Giunta na sina Francesca Danese (Politiche Sociali), Paolo Masini (Scuola), Estella Marino (Ambiente), Marta Leodori (Roma produtitva), Valeria Baglio (Presidente ng Konseho), Valerio Barletta (Presidente ng Municipio 14), Daniela Cirulli (Assessore Politiche Sociali Municipio 12) at Clara Vaccaro (Vice Prefetto Roma). 

Nagbigay rin ng maikling salita ang kapatid ng biktima, si Lito Abordo. “Kami ay wasak na wasak, tila manhid na upang makaramdam pa ng galit at poot. Kaya naming magpatawad, dahil ang Diyos ay nagpatawad. Ngunit sa ngayon, ang aming hiling ay katarungan. Iyon lang ang mahalaga para sa amin”. 

Bahagi ng pagtitipon ang ibigay ang liham ng komunidad sa Alkalde ng lungsod, Ignazio Marino. Ang liham ay naglalaman ng saloobin ng komunidad. Ito ay humihingi ng katarungan! Na ang pagbubuwis ng buhay ni Corazon ay maging simula ng isang pagbabago na magbibigay konsolasyon sa pamilyang naiwan at sa buong komunidad. Kahilingan nitong rebisahin ang kasalukuyang batas at ang responsabileng pagpapatupad nito para sa karapatan at seguridad ng lahat. Ang liham, lakip ang daan-daang pirma ng mga lumahok ay malugod na tinanggap ng Bise Alkalde.

 

Mahalaga rin para sa komunidad ang naging pakikidalamhati ng Sant’Egidio sa pamumuno ni Gian Matteo Sabatino at ng ilang leader tulad nina Carlos Quiroz buhat sa Peruvian community.

Nagbahagi rin ang kapatid ni Lourdes Cudiamat, isa sa walong (8) sugatang biktima ng naging trahedya, na si Eduardo Cudiamat. 

Kabilang sa mga nakidalamhati at nagbigay ng maikling pananalita sina:

           –       Welfare Officer Loreta Vergara

–       Sta. Pudenziana sa pamumuno ni Fr. Ricky Gente at Sis. Carlita Siega

–       Banal na Pag-aaral

–       Umangat

–       Federfil

–       PIDA

–       Guardians

–       POWER Group

–       Mindorenos Italia

–       Mabini Hometown Association

–       International Commission Right of the Philippines

–       El Shaddai Group

–       Ginangs   

Bukod sa mga grupong nabanggit ay marami pang dumalong grupo, asosasyon at mga indibidwal ang nakidalamhati sa nabanggit na pagtitipon.

Bago ang nasabing pagtitipon ay tinanggap ng Bise Alkalde sa kanyang tanggapan ang buong pamilya ni Corazon: asawa, dalawang anak at mga kapatid. Kinumprim ng Bise Alkalde ang ipinangakong pagsagot ng pamahalaang lokal sa funeral at repatriation expenses ng bangkay at sa pamasahe ng pamilya nito.

 

ni: PGA

larawan ni Noe Ayo Bañares

 

 

 

 

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

UPCC European Tour 2015, tagumpay na inilunsad sa Roma

Direk Benjie, nanalo ng Best Supporting Actor sa pelikulang “A Tutto Tondo”