Maraming pamilya at indibidwal ang humanap ng kanya-kanyang paglilibangan habang nananatili sa loob ng kani-kanilang bahay sa halos dalawang buwang pagpapatupad ng lockdown sa buong bansa ng Italya. Ito ay upang maibsan na rin ang lungkot at takot na hatid ng kasalukuyang krisis.
At dahil likas na maraming event at pa-contest ang Filipino community, tunay namang ang panahon ng lockdown ay napakahaba lalo na sa mga organizer tulad ni Rey Rebudal ng Reggio Calabria.
“Naisipan kong gumawa ng mga pakulo para sa ating mga kababayang sa South Italy. Noong una ang akala ko South Italy lamang ang mga sasali pero pati mga taga Milano, Roma at Parma ay sumali sa mga palaro”, masayang kwento ni Rey.
“Tutok to win”, ito ang unang game challenge para mapasaya at malibang ang ating mga kapwa pinoy habang nasa kanilang bahay.
Huhulaan lamang kung ano ang nasa loob ng box.
“Halos 15 ang winners ng groceries mula sa iba’t ibang panig ng Italy. Ang mga nanalo mula sa ibang lugar, tulad ng Milan, ay ibinigay sa mga kamag anak nila sa Reggio Calabria ang prizes”.
“Salamat sa social media at nakakapag hatid tayo ng saya ng live”, aniya.
Pangalawa naman ay “Best Pinoy Ulam Recipe”.
Simple lang ang mechanics: nagluto sila ng pinaka masarap na putaheng pinoy at ito ay kanilang pinicturan at ipinasa para sa botohan sa pamamagitan ng social media. Paramihan ng likes sa bawat makakakita ng mga putahe. Sampung putahe ang naglaban-laban at nanalo ang sumusunod:
1 – Chicken ala Salmon ni Pj Quinones;
2 – Beef with bruccoli ni Edwin Sabornedo
3 – Fish sweet & sour with sardine’s balls ni Athena Dela Cruz
May natanggap na mga groceries ang mga nanalo.
Sumunod naman ang tanyag na Tiktok challenge kung saan madaming sumali.
“Marami pang gustong humabol pero 18 individuals lang ang umabot sa deadline”.
Dalawa ang categories sa Tiktok challenge. Ang una ay ang 3 to 10 years old at ang ikalawa ay ang 13 years old and above.
Ang mga nanalo sa 3-10 year category ay sina:
1 – Cloud Yanga – Parma
2 – Ramon Edward Dela Cruz – Reggio Calabria
3 – Allesandro Mones – Reggio Calabria
Si Bernadette Solon naman ang nanalo sa 13 year old and above category.
“Nagpapasalamat ako sa mga naging hurado na mula sa mga malalayong lugar. Sina Pia Gonzalez Abucay ng Ako ay Pilipino sa Roma, Armand Curameng, the Pinoy Concert King in Italy sa Palermo at si Bhong Hailer, ang president ng Filipino Community of Catania. Dahil sa kanila ay naging matagumpay at masaya ang lahat ng mga kasali“.
Naging matagumpay din ang huling challenge na Best Pinoy Dessert. “Ito ay open sa lahat ng taga Reggio Calabria lamang dahil ako ang naging hurado sa mananalo. Nagluto ang mga sumali ng kanilang best dessert at pinuntahan ko isa-isa at tinikman ang kanilang panlaban”.
Nanalo sa Best dessert si Amy Pablo na naghanda ng Halo Halo at pumangalawa si Mary Osorio na naghanda ng Purple jam.
Sa challenge din na ito ay nakatanggap ng groceries ang mga nanalo.
“Ito ay bahagi lamang ng pagbibigay saya sa ating mga kapwa pinoy para hindi mainip sa mga bahay. Kahit nasa bahay pala tayo ay pwde tayong gumawa ng paraan para makapagpasaya sa ating mga kababayan. Ang hiling ko lang ay mawala na itong covid19 para magawa na ulit natin sa publiko ang mga ating mga kinagawiang kulturang Pinoy”, pagtatapos ni Rey.