Ika 25 ng buwan ng Abril taong 2018, ang araw na matagal ng pinakahihintay ng lahat ng taga Mabini, sa Pilipinas man o maging sa ibang dako ng mundo, ngunit mas lalong dama ng mga taga Toskana. Minarkahan sa araw na ito ang ika 100 na taong pagkakatatag ng bayan ng Mabini.
Sa libelo nasyonal sa Pilipinas ay ipinakita ang kahalagahan ng pagdiriwang na ito sa paglalabas ng Philippine Postal Corporationng selyo o commemorative stampsa pagdiriwang ng ika-100 taon ng pagkakatatag ng bayan ng Mabini sa lalawigan ng Batangas.
Isang simple ngunit makahulugang pagdiriwang ang isinagawa ng mga Mabinians sa Firenze. Salo-salo ng mga magkababayan na may dugong batangueño ngunit pusong tumitibok na tubong mabini. Nagsama sama ang lahat ng mabinians at ang mga piling panauhin sa kanilang pagdiwang at pagsulong ng kanilang mahal na bayan ng mabini sa Circolo Ponte a Ema sa Firenze
Bilang karagdagan sa masaya ng pista ay nagkaroon din sila ng pakontest na Mr. and Mrs. Mabini. Sa pitong mga kalahok, ang nahirang na Mrs. Mabini ay si Rizza Villanueva De Guzmanna taga Baryo ng Pulong Anahaw samantalang ang pinalad na Mr. Mabini naman ay si Apolonio Frane na taga Lobo ngunit nakapangasawa ng taga Mabini, ang tinaguriang Dingdong Dantes ng samahan. Maliban sa masigabong palakpakan ay nagkamit ang mga nanalo ng trophies, bouquet of flowers, at sash. Ayon sa dalawang simbolong ito ng mabini, ang mahalaga sa katuwaan na ito ay ang bagay na nakapailalim sa simpleng pagdiriwang na isinagawa: ang pagkakaisa ng lahat ng mabinians na tumulong sa lalong ikauunlad ng kanilang bayang sinilangan, upang mas lalong itulak ang mabini sa kanyang paglarga.
Hindi rin nawala ang kanilang punongbayan na si Mayor Noel “Bitrics” Luistro na kahit nasa Pilipinas ay hindi nakaligtaang magpadala ng kanyang mensahe para sa kanyang mga anak sa Firenze. Ayon sa kanya, siya ay lubos na umaasa na sa pamamagitan ng paggunita ng ika-sandaang anibersaryo ng Mabini ay patuloy na mapagnilayan ng lahat ang maaring maiambag at maihandog ng bawat isa para sa bayan ng Mabini tungo sa pagtupad ng iisang layuning maging lingkod bayani sa lahat ng sandali sa anumang pagkakataon.
Taos-pusong pasasalamat sa lahat mula sa Presidente ng Mabinians Group of Florence na si Ramil Villanueva. Dahil sa ambag ng bawat isa ay naging maganda ang pagdiriwang na naganap na magsisilbing inspirasyon sa lahat ng kasapi ng samahan upang maipatupad at maitaguyod ng maayos ang kanilang mga programang panlipunan at pampamilya. Sa naipakitang pagkakaisa ng mga taga mabini, inaasahang mas lalakas pa ang kanilang sigaw puno ng pagmamahal sa kanilang inang bayan: Larga Mabini!
Quintin Kentz Cavite Jr.