in

IKA-115 TAONG ANIBERSARYO NG ARAW NG KALAYAAN NG PILIPINAS, MASAYANG GINUNITA SA ROMA

Roma – Hunyo 13, 2013 – Tinatayang higit sa 5,000 mga Pilipino ang dumagsa sa Piazza Ankara sa siyudad ng Roma noong Hunyo 9, 2013 na ang lahat ay may iisang layunin na makiisa at sama-samang  ipagdiwang ang isa sa maituturing na pinakamahalagang kaganapan sa buong kasaysayan ng ating bansa – ang anibersaryo ng deklarasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa mahabang panahon ng  pananakop ng mga dayuhan. 

Ambagan Tungo sa Malawakang Kaunlaran,” ang tema ng pagdiriwang ng proklamasyon ng ating kalayaan para sa taong ito. 

Ang nasabing selebrasyon ay pormal na inumpisahan sa pagbibigay pugay sa mga bayaning si Jose Rizal at Andres Bonifacio na nagdiriwang ng ika-150 anibersayo ng kaarawan ngayong taon. Sinundan ito ng mga pagbati at paunang mga mensahe mula kina Ambassador H.E. Amb. Virgilio A. Reyes, Jr., Philippine Ambassador to Italy na sinundan naman ng pagbabasa sa mensahe ng Presidente ng Republika ng Pilipinas ni Consul General Leila C. Lora-Santos. Pagbati rin buhat sa panauhing pandangal buhat pa sa Pilipinas na si Hon. Vonz Dolor, ang Vice Governor ng Oriental Mindoro. Isang mensahe rin ang ipinahiwatig ng natatanging Kinatawan ng Roma Capitale sa araw ng pagdiriwang makalipas ang halalang lokal sa lungsod, na si Hon. Cristina Maltese na kumakatawan bilang Presidente ng Municipio XII  at ni Hon. Fabio Bellini, buhat naman sa Regione Lazio. Kapiling din si H.E. Amb. Mercedes Tuason, Philippine Ambassador to the Holy See.

Isa sa naging tampok ng nasabing okasyon ay ang pagsasagawa ng isang masaya, makulay at magarbong parada na karamihan sa mga nakilahok ay nakasuot ng mga Filipiniana-inspired na mga kasuotan.  Ang ilan naman ay pumarada na suot ang kanilang katutubong kasuotan na kumakatawan sa iba’t-ibang rehiyon na kanilang pinanggalingan sa Pilipinas.  Ito ay nagpapatunay lamang na ang mga Pilipino, kahit saan mang lugar makarating ay patuloy pa ring binibigyang halaga at importansya ang mga espesyal na mga pagdiriwang sa ating bansa katulad nito.   Tunay naman na sa ganitong mga selebrasyon ay higit pang kumikinang ang mayamang  kultura ng ating lupang hinirang.  Ang mga nakilahok sa nasabing parada ay kinabibilangan ng mga kinatawan ng iba’t-ibang sektor: Philippine Embassy to Italy (Quirinale); Philippine Embassy to Holy See; Sentro Filipino; Collegio Filipino; Filipino Councilors; Philippine Independence Day (PIDA) Officers & Committee Heads; Filipinos working in Food and Agriculture Organization (FAO) of the United Nations, World Food Programme (WFP), International Fund for Agricultural Development (IFAD) at United nations (UN) Agencies in Rome; Business Sectors (Remittance Centers, Travel Agencies, Cargo Forwarders, Real Estate Companies, Filipino Stores, atbp.); Filipino Community Groups & Associations (cultural and religious) sa Roma at maging buhat sa Cisterna, Napoli, Calabria, Caserta at marami pang iba; Philippine Guardians Groups; performers at mga guests.

Mga kabataan o G2 o ikalawang henerasyon buhat sa iba't-ibang asosasyon, grupo at lugar ang karamihan sa nagpamalas ng kani-kanilang talento sa sayaw, maging modern o traditional man, awit o rap man, ay hindi iniwan ng mga manonood sa kabila ng bahagyang pagbuhos ng ulan sa araw na iyon. 

Naging bahagi din ng palatuntunan ang paggawad sa kauna-unahang pagkakataon ng “Natatanging Pinoy” Award bilang pagkilala sa mga natatanging mga Pilipinong Mag-aaral, Manlalaro at mga Nakapagtapos sa Unibersidad dito sa Italya.  Pitong mga kabataang may edad na 9 hanggang 18 ang pinarangalan batay na rin sa kanilang mga performances bilang estudyante sa Italya.  Kasama sa mga pinagbatayan ay ang kanilang mga nakukuhang matataas na marka sa kanilang paaralan, sa kanilang maayos na pakikisalamuha at positibong interaksyon sa kanilang mga guro at mga kapwa kamag-aral.  Bukod dito, ginawang malaking batayan din ang resulta ng isinagawang survey ng Italian Ministry of Education na nailathala noong nakaraang Hunyo 2012 sa isang National Italian Magazine, ang “PANORAMA”, na may titolong:  SORPRESA: I PRIMI DELLA CLASSE SONO FILIPPINI (SORPRESA: ANG MGA NANGUNGUNA SA KLASE AY MGA PILIPINO).  Isang napakalaking karangalan para sa buong sambayanang Pilipino ang positibong resulta ng nasabing survey na nagpapatunay lamang sa angking talino at sipag sa pag-aaral ng ating mga kabataan kahit nasa ibang bansa.  Ang pitong “Natatanging Pinoy” awardees ay kinabibilangan ng mga sumusunod: 1.) CLAIRE FRANSES MAYOR RUBIO –  9 yrs old, Grade 3 Istituto Trento e Trieste, Roma   2.) GILMORE YAN DE LEON –  9 yrs. old, Grade 4 Scuola Casa del Sole, Milano   3.) THEA MARIE ELYSSE ABIGAILE NARCISO – 14 yrs. old, 3° Media Scuola Media Statale Sperimentale Giuseppe Mazzini, Roma   4.)  JOMEL DE CHAVEZ – 14 yrs. old, 3° Media Scuola Casa del Sole, Milano   5.) JAIRL ALLISON BOCO – 14 yrs. old, 3° Media Scuola Media Statale  Sperimentale Giuseppe Mazzini   6.)  KAYE ANGELA GABUAT – 18 yrs. old, 4° Anno Ragoneria al Besta  di Milano at  7.)  JOHN VINCENT CATALON – 16 yrs. old,3° Anno Istituto Tecnico Colombo, Roma.

Nakadagdag saya din sa nasabing okasyon ang pamamahagi ng mga papremyo na kung saan pitong masuswerteng bumili ng raffle tickets ang nabiyayaang nakapag-uwi ng Rome-Manila-Rome airline ticket sa tulong na rin ng mga sponsors ng nasabing pagdiriwang.

Lalong tumindi ang kasiyahan ng mga nanonood ng programa nang tawagin sa stage ang premyadong actor-singer na si Jericho Rosales bilang special guest, hatid ng TFC.

Sa masaya, maayos at payapang kinalabasan ng Philippine Independence Day Celebration sa Roma, hindi nasayang ang pagod sa malaking preparasyon ng mga Officers, Committee Heads at members ng Philippine Independence Day Association (PIDA) na siyang namahala sa pagpapatakbo ng nasabing event. 

Malaki ang naging kontribusyon ng apat na naggagalingang mga emcees sa pagtataguyod ng nasabing programa:  Ms. Jaiane Morales, Mr. John Tansinsin, Ms. Pia Gonzalez at Mr. Edferlon Quintero. Hindi rin matatawaran ang kakayahan at naiambag ng beteranong director ng mga shows sa Italya na si Direk Armand Noma sa tagumpay ng nasabing selebrasyon.

Sana po ay patuloy po nating lahat na bigyan ng pagpapahalaga at pangalagaan ang ating tinamong kalayaan at kasarinlan at nawa’y muli po tayong magkita-kita sa mga Philippine Independence Day celebrations sa mga darating pang mga taon. (ulat ni: Rogel Cabigting, Raquel Garcia at larawan ni: Stefano Romano, Boyet Abucay at Salvacion Corazon)

Balik-tanaw sa unang Araw ng Kalayaan

SIGAW NG KALAYAAN

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Regularization – Mga paglilinaw upang mapabilis at mapalawak ang mga panuntunan

FILCOM NG TERNI AT EMPOLI, NAGSAGAWA NG SANTACRUZAN