"Tagumpay sa Pagbabagong Nasimulan, Abot-Kamay na ng Bayan”
Roma, Hunyo 16, 2014 – Ito ang tema para sa ika-117th Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na ginunita ng bawat Pilipino sa bawat sulok ng mundo nitong Hunyo.
At bilang paggunita sa mga dakilang Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay upang makamit ang ating kalayaan ay binuksan ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Roma sa pamamagitan ng pag-aalay ng korona sa monumento ni Dr. Jose Rizal sa Piazza Manila sa pangunguna ni H.E. Ambassador to Italy Domingo Noalsco at H.E. Ambassador to the Holy See Mercedes Tuazon, mga miyembro ng Knights of Rizal at ilang mga panauhin.
Sa kabila ng pabagu-bagong panahon ay hindi inalintana ng halos limang libong mga Pilipino at mga panauhin ang makiisa sa makulay at masayang pagdiriwang sa Piazza Ankara kung saan walong taon nang ginaganap ang naturang selebrasyon.
Bukod kina H.E. Ambassador to Italy Domingo Noalsco at H.E. Ambassador to the Holy See Mercedes Tuazon, ay nagbigay ng maikling pananalita sina Claudio Rossi, 25 taong naglingkod sa Comune di Roma at kasalukuyang isang propesor sa Migrasyon at Cristina Montefusco, coordinator ng PRILS LAZIO – Piano regionale per l’Integrazione linguistica e sociale degli stranieri nel Lazio.
Nagbigay ng mensahe si Pangulong Benigno Aquino na nagpaabot ng kanyang pagbati sa mga mamayang Pilipino dito sa Italya. Sa binasang mensahe ni Consul General Leila Lora Santos, sinabi ni Aquino “Isandaan at labimpitong taon na ang nakalipas mula nang ideklara ang kalayaan; kalag na po tayo ngayon sa tanikala ng mga dayuhang mananakop. Sa kabila nito, nariyan naman ang panibagong hamon na labanan ang katiwalian at kahirapan sa bansa. Malinaw na sa pagbibigkis na nanaig sa ating mga bayani ay nakamit ang kalayaan, kaya’t sa pagbibigkis din malalampasan ang suliraning ating hinaharap sa kasalukuyan”.
Isa sa naging tampok ng nasabing okasyon ay ang pagsasagawa ng isang masaya, makulay at magarbong parada na karamihan sa mga nakilahok ay nakasuot ng mga Filipiniana-inspired na mga kasuotan. Ang ilan naman ay pumarada na suot ang kanilang katutubong kasuotan na kumakatawan sa iba’t-ibang rehiyon na kanilang pinanggalingan sa Pilipinas. Tinatayang mahigit sa isang libo ang mga lumahok sa taunang parada na pinangunahan ng Philippine Embassy to Italy (Quirinale); Philippine Embassy to Holy See; Sentro Filipino; Collegio Filipino; Filipino Councilors; Philippine Independence Day (PIDA) Officers & Committee Heads; Filipinos working in Food and Agriculture Organization (FAO) of the United Nations, World Food Programme (WFP), International Fund for Agricultural Development (IFAD) at United nations (UN) Agencies in Rome; Business Sectors (Remittance Centers, Travel Agencies, Cargo Forwarders, Real Estate Companies, Filipino Stores, atbp.); Filipino Community Groups & Associations (cultural and religious) sa Roma at maging buhat sa Cisterna, Napoli, Calabria, Caserta at marami pang iba; Philippine Guardians Groups; performers at mga guests.
Pinatingkad naman ang selebrasyon ng mga presentasyon ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga Filipino songs and dances. Mga kabataan o G2 o ikalawang henerasyon buhat sa iba't-ibang asosasyon, grupo at lugar ang karamihan sa nagpamalas ng kani-kanilang talento sa sayaw, maging modern o traditional man, awit o rap man, ay hindi iniwan ng mga manonood sa kabila ng bahagyang pagbuhos ng ulan sa araw na iyon.
Rumampa ang mga naging kandidato ng The Bachelors suot ang iba't ibang uri ng Barong Tagalog. Hindi naman nagpahuli ang mga kandidata ng nalalapit na Bb. Pilipinas-Italya 2015. Pati na rin ang mga bulilit sa nalalapit na Little Filipino/Filipina Models ay nagpakita ng kanilang indak sa pagrampa. Kasabay nito, inirampa rin ang mga koleksyon ng kilalang local designer na si Roderick Bangkot.
Lalong sumaya ang naturang okasyon dahil sa higit sa 200 tents na naitayo sa piazza, kung saan maraming makikitang Filipino food and drinks tulad ng halo-halo, ice-candy, kutsinta, puto at ang all time favorite na pansit at adobo at iba pa.
Nakadagdag saya din sa nasabing okasyon ang pamamahagi ng mga papremyo kung saan sampung masuswerteng bumili ng raffle tickets ang nabiyayaang nakapag-uwi ng Rome-Manila-Rome airline ticket sa tulong na rin ng mga sponsors ng nasabing pagdiriwang. Bukod dito ay mayroong 3 Europe tour at 16 minor prizes ang ipinamigay ngayong taon.
Bago tuluyang matapos ang pagdiriwang ay lalong tumindi ang kasiyahan ng aliwin ni Aaron Villaflor, isang kilalang celebrity hatid ng TFC.
“Nawa ay patuloy nating lahat na bigyang pagpapahalaga at pangalagaan ang ating tinamong kalayaan at kasarinlan at nawa’y muli tayong magkita-kita sa mga Philippine Independence Day celebrations sa mga darating pang mga taon”, pagtatapos ni Auggie Cruz, ang presidente ng PIDA o Philippine Independence Day Association, ang taunang naghahanda para sa paggunit ng Araw ng Kalayaaan.
Ang naging pagdiriwang ay nagpapatunay lamang na ang mga Pilipino, kahit saan mang lugar makarating ay patuloy pa ring binibigyang halaga at importansya ang mga espesyal na mga pagdiriwang sa ating bansa katulad nito. Tunay na sa ganitong mga selebrasyon ay higit pang kumikinang ang mayamang kultura ng ating lupang hinirang.
Mabuhay ang lahing Pilipino!
Pia Gonzalez Abucay
Stefano Romano, Noe Banares at Boyet Abucay