“Nasa ating gawa at puso ang pagkakaisa, pag-aambagan at pagsulong”
Genova, Hunyo 20, 2016 – Humigit dalawang daang Pilipino ang nakibahagi at nakisaya sa matagumpay na paggunita ng ika-118 Araw ng Kalayaan ng FILCOM-GENOVA, ang asosasyon ng Filipino Community ng Genova sa rehiyon ng Liguria.
Ang pagdiriwang ay sinimulan ng 11:30 ng umaga sa pamamagitan ng Cutting of the Ribbon ng mga panauhing pandangal sa pangunguna ni Consul General Marichu Mauro at Dott. Alessandro Morgante, Presidente ng Municipio VIII Medio Levante; Sig.Davide Verri, Administrative Officer Immigration Office, Questura di Genova at iba pang panauhin. Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan ng buong Filipino Community.
“Mahalaga ang pagdiriwang na ito dahil ito ay isang pagkakataon upang maitaguyod at maipakilala natin ang ating kultura, kasaysayan, kaugalian sa pamamagitan ng ating mga tradisyonal na wika, pagkain, sayaw, musika, at palaro,” ayon sa pambungad na mensahe ni Nonieta Adena ang Presidente ng Filcom-Genova.
Ito naman ay inayunan ni Dott. Morgante, ang Presidente ng Municipio VIII Medi Levante, “Sa mga ganitong pagtitipon higit niyong naipakikilala at naipababatid sa amin, sa lipunan sa istitusyon ng Italya ang tunay na integrasyon, ang “scambio culturale.”
Ang bawat Lider ng mga asosasyon na dumalo ay nagbigay din ng kanilang mga pagbati- Nazario Fuertes , Presidente ng FCG Group; Angel Calingasan ;Mt Zion Int’l-Genova; Mauro Esquivel, V.President FRG-Scuole Pie; Ricky Medrano, Rapallo Filipino Community at Councilor ng Filcom-Genova; Romel Sabarias, Chairman COMELEC-Genova. Nagpaabot din ng kanilang madamdaming mensahe ang dalawang Advisers ng Filcom_Genova na sina Andrea “Angie” Verri at Julito Mata. Isang nakakatindig balahibo na rendasyon ng awiting “Bayan Ko” ni Jovelyn Vinluan.
Ang pagdiriwang ay lalong naging makasaysayan sa mga awiting ipinarinig ni Marienne Supnet at Angeline Nario sa tugtog ng Violin at ng FRG-Scuole Pie sa pamumuno ni Gng. Rosa de Mesa. Naging makulay sa mga indak sa Sayaw na Bulaklakan ng Ilocandia at JA Dance Crew at ang madamdaming Mimical show ni Jobert at Melissa Cabactulan.
Mas lalong pinasaya ang pagtatapos ng paggunita ng Kalayaan sa mga tradisyong palaro na nilahukan ng lahat: bata at matatanda at ang booth contest kung saan nanalo ang Ilocandia’s Pride, na siya rin ang nagwagi sa Cultural presentation.
Sina Giovanni Dermolin at Ma. Charmaine Plata, mga miyembro ng Filcom Genova Youth ang mga emcess sa ginawang pagdiriwang.
Ang katuwaang makikita sa mga mukha at mga mata ng mga dumalo ang lalong nagbigay kahulugan sa tunay na diwa ng tema.
“Nasa ating gawa at puso ang pagkakaisa, pag-aambagan at pagsulong. Kahit tayo ay nasa Italya at malayo sa ating inang bayan, tayo ay may kakayahang mag-ambag para sa ikauunlad ng Pilipinas. Maging huwaran sa mga taong ating makakasalamuha para maipamalas sa kanila ang ating pagiging Pilipino. Ating ipagmalaki ang ating pagiging Pilipino at mag-ani sa inyong mga anak,” ang mensahe ni Consul General Marichu Mauro.
ni: Nonieta Adena