in

Ika-120 taong anibersaryo ng kadakilaan ni Dr. Rizal, ginunita sa Roma

“Suriin, linangin at tularan natin ang mga katangian ni Rizal upang maging bayani tulad niya – matapat, makabansa at masugid na naglilingkod sa ating lipunan”.

 

Roma, Enero 10, 2017 – Sa kabila ng napaka lamig na panahon sa Italya ay nanatiling nag-aalab ang naging paggunita ika-120 taon ng pagkamartir ng ating pambansang bayani, Gat Jose Rizal na ginanap noong Jan 8, 2016 sa Piazzale Manila – Rome, kung saan matatagpuan ang kanyang rebulto.

Sa pangunguna ng Philippine Democratic Guardians International Incorporated (o PDGII) founder Norberto Fabros at ng Knights of Rizal Rome Chapter Commander Auggie Cruz ay naging makabuluhan ang paggunita sa kadakilaan ng ating bayani.  Matatandaang sa Roma ay higit na rin sampung taong ginagawa ang pagpupugay na ito. 

Binuksan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng sabay-sabay na pag-awit ng Lupang Hinirang. Partikular, tulad ng ginawang paggunita sa Luneta, ngayong taon ang mga kagalang-galang na panauhin ay nakahawak at naging bahagi din sa pagtataas ng bandila.

Sinundan ito ng pag-aalay ng korona at bulaklak mula sa mga panauhing nakibahagi sa pagdiriwang. 

Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan”. Ito ang mga salita ni Rizal na ipinaalala ni H.E. Ambassador Domingo Nolasco sa kanyang mensahe. 

Binigyang-diin naman ni CDA Charlie Manangan ng Philippine Embassy to the Holy See ang mga turo ni Rizal na mai-aangkop umano sa pangaraw-araw na pamumuhay bilang mga tunay na bayani sa kasalukuyang panahon. “Isang pamana ng lahi ang mensaheng hatid ng pagdiriwang lalo na’t itinuturing ang mga ofws bilang makabagong bayani”, aniya.

Mula Florence ay lubos rin ang pakikiisa at suporta ni Knights of Rizal Area Commander for Italy, Sir Carlos Simbillo bukod pa sa ilang bumubuo ng samahan. Sa katunayan, ay hindi rin pinalampas ang araw na ito ng mga Kababaihang Rizal na nagmula pa sa Modena sa pangunguna ni Lady Winifreda Crisostomo. Hamon ng parehong nabanggit na “tularan at sundin ang mga aral ni Rizal, simula sa pagtuturo ng ating sariling wika”.

Dumalo rin sa pagtitipon ang ilang asosasyon tulad ng Federfil, sa pangunguna ni Ariel Lachica, sina Mr. & Mrs. Stefano Lami na taunang sponsor ng mga bulaklak, Filcom leaders, mga miyembro ng PDGII, mga indibidwal. 

Lubos ang naging pasasalamat ng mga organizers. Damang-dama ang init ng pagmamahal sa ating bayani at sa bansang sinilangan sa kabila ng malamig na samyo ng hangin ng tag-lamig.  

Tulad ng mababasa sa mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte, “Suriin, linangin at tularan natin ang mga katangian ni Rizal upang maging bayani tulad niya – matapat, makabansa at masugid na naglilingkod sa ating lipunan”. 

 

 

ulat ni: PGA

larawan ni: Stefano Romano

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Registration, simula na para sa online enrollment

Bakit kailangan at paano magkaroon ng ‘certificati penali’ para sa carta di soggiorno?