in

Ika-121 taon ng Araw ng Kalayaan, makulay at makahulugang ipinagdiwang sa Roma

“Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan”

Sa pangunguna ng masisipag na opisyales ng PIDA Rome (Philippine Independence Day Association) naging makulay at makahulugan ang bawat bahagi ng programa nang sama-samang ipinagdiwang ng mga nagtipun-tipon na mga Pilipino na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng Italya ang masayang selebrasyon ng ika-121 taon ng Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na ginanap sa Ergife Palace Hotel sa Roma, Italya.

Binuksan ang pagdiriwang ng mga emcees na sina Pia Gonzalez-Abucay ng Ako ay Pilipino, Aileen Joy Rabara ng Sentro Pilipino Sta. Pudenziana at sina Marlon Bautista at Mario Napa Jr ng MP4 events.

Pistang pista ang taunang parada kung saan tinatayang mahigit sa tatlong daan katao ang lumahok na pinangunahan ng Bansudenos Band.

Nanguna ang Embadaha ng Pilipinas mula kay H.E. Ambassador Domingo Nolasco at kanyang maybahay hanggang sa buong staff nito, mga organisasyon at asosasyon hanggang sa business groups na naghanda ng mga makukulay na uniporme. Tampok rin sa parada ang mga naggagandahang Filipiniana-inspired na mga kasuotan. Makabuluhan din ang mga sagala bilang paggunita sa Santacruzan.

Sinundan ito ng mahalagang bahagi ng Panalangin, ang Ecumenical Services kung saan nakapiling ang mga kapatid na sina Brother Ricky Damila, Member of Church of God International; Pastor Leody Abarentos, Jesus is Lord; Pastor Edwin Eugenio, Christ in you Church; Pastor Jun Luis, Baptist Church; Paola Amboy, Member of Church of God International; Crispy Zapanta, Filipino Chaplaincy – Family Ministry.

Sinimulan sa ribbon cutting para sa pagbubukas ng programa sa pangunguna ng ating Philippine Ambassador to Italy HE Domingo Nolasco. Pagkatapos ay isinagawa ang isang unveiling ceremony kasama ang PIDA President Mr. Pye Santos, PIDA Adviser Sir Auggie Cruz, mga kinatawan ng Knights of Rizal at Kababaihang Rizalista sa pangunguna ni KOR Adviser Carlos Mercado Simbillo para sa inagurasyon ng busto ni Dr. Jose Rizal na siyang naging atraksyon sa panimula ng pagselebra ng Araw ng Kalayaan.

Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan” ang temang binigyang-diin ng mga panauhing pandangal na sina H.E. Ambassador Domingo Nolasco ng Philippine Embassy to Italy at H.E. Ambassador Grace Relucio Princesa, kilala rin sa tawag na ‘Nanay Amba’.

Pinaunlakan din ang pagtitipon nina Onorevole Maurizio Esposito, ang Vice Presidente ng Mincipio 1, Jaime Trujillo II, Roberto Castrucci, ang Coordinator ng Italia Maratone Club at Commander Gil Nicdad ng US Navy Support Site – Caserta.

Sa direksyon ni Renato ‘Phudy’ Nirza, isang mayamang kultura naman mula Aparri hanggang Jolo ang ipinamalas sa ginawang cultural presentation ng iba’t ibang local talents.

Tunay na isang araw na nagpapahalaga sa mga alaala ng ating mga bayaning nagsakripisyo at nagbuwis ng kanilang mga buhay alang-alang sa ating Kalayaan. Ito ay maalab na ipinagdiwang sa pamamagitan ng pakikiisa at pagpapakita ng mga talento ng ating kultura, tradisyon, sining, larangan ng edukasyon, sports at partisipasyon sa tema ng Nayong Pilipino.

Samantala, 10 round trip tickets Rome-Manila-Rome ang ipinamigay bilang mga major prizes buhat sa regular major sponsors ng selebrasyon, ang mga airline companies tulad ng (2) China Airlines, Emirates, Etihad, (2) Kuwait, Qatar, Turkish, Singapore at Philippine Airlines sa tulong ng mga travel agencies: City Travel at Jeepney Travel.

Hindi matapos ang pasasalamat ng bagong halal na presidente ng PIDA na si Pye Santos.

“Isang na namang maayos at matagumpay na pagdiriwang. Ang lahat ay masaya at nag-uwi ng tuwang hatid ng kabuuan ng pagdiriwang: kasama na dito ang maraming mga food stands kung saan natagpuan ang mga pagkain at produktong pinoy; ang business sector na nagpakita at nag-alok ng kani-kanilang produkto at serbisyo. Maraming maraming salamat sa mga dumalo lalo na ang mga nagmula pa sa malalayong lugar tulad ng Naples, Florence , Milan at ibapa. Sa mga nakiisa sa ating ‘Nayong Pilipino’, salamat po ng marami. Aasahan namin ang inyong patuloy na pakikiisa sa PIDA. Hanggang sa susunod na taon”, pasasalamat ni Santos.

Muli, naging matagumpay ang pagdiriwang, napanatili ang mapayapang selebrasyon hanggang iwanan ng malinis at maayos ng mga boluntaryo ang Sala Olimpia Ergiffe Palace Hotel na muli ay naging saksi ng paggunita sa Araw ng Kalayaan ngayong 2019.

 

PGA at Carlos Simbillo

larawan ni: Boss Ramos

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Sakop ba ang domestic job ng ‘obbligo di tracciabilità? Maaari bang tanggapin ng colf ang sahod ng cash?

Rizal Exhibit, handog ng KOR sa Kalayaan 2019 sa Roma