Matagumpay na ipinagdiwang ang ika-36 na taong anibersaryo ang Philippine Don Bosco Association (PDBA), ang pinakamalaki at pinakamatagal na Filipino community sa Palermo.
Palermo, Enero 18, 2016 – Masaya at matagumpay na ipinagdiwang ang ika-36 na taong anibersaryo ng Philippine Don Bosco Association, ang pinakamalaki at pinakamatagal nang Filipino community sa Palermo, noong December 26, 2015 sa Astoria Palace, Hotel ng nasabing syudad.
Sinimulan ang pagdiriwang sa isang banal na misa sa pangunguna ni Father Rechie Poras na sinundan ng isang salu-salo na handog ng asosasyon sa mga miyembro.
Bukod sa panauhing pandangal na si Hon. Antonino di Liberto – Consul ng Consulate of Sicily at Reggio Calabria ay dumalo din ang ilang importanteng personalidad mula sa komunidad ng Palermo tulad nina Father Mario Fugazza ng Sta. Lucia Church, Father Sergio Natoli ng Migrantes Palermo, Sig. Giuseppe Messin, Mrs. Celestial Madula, president ng Unified Filipino Workers ng Reggio Calabria, at iba pa mula sa Catania at Messina.
Sa mensahe ni Di Liberto, pinuri niya ang PDBA dahil sa magaganda nitong mga proyekton para sa buong Filipino community ng Palermo.
“Sana magpatuloy pa ang asosasyon sa kanilang mga proyekto at hinihiling ko din ang kanilang mas aktibo pang partisipasyon sa lahat ng mga adhikain ng Consolato para sa kabutihan ng mga mamamayang Filipino hindi lang sa Palermo kundi sa buong Sicilia” dagdag nito.
Ang highlights ng programa na iprinisinta nina Marilou Jacinto Dela Cruz at Armand Curameng ay ang Parol Making Contest at Mutya ng PDBA Coronation at ang pagdiriwang ay nagtapos sa isang masayang disco party.
Mula sa maraming kalahok ng parol making contest kung saan ang mga entries ay gawa sa waste materials ay nanalo sa unang pwesto si Suzie Araneta, pumangalawa si Owen Micano at pangatlo ang parol ng CFC Palermo group.
Mula sa popularity contest, kinoronahan bilang Mutya ng PDBA 2015 si Mrs. Rina Yanos mula Laoag City at Bacarra. Ilocos Norte sa Pilipinas. Bukod sa kanyang karagdagang award na Best in Gown, pinagkalooban din siya, kasama ang kanyang mahal na kabiyak na si G. Felix Yanos, ng tropeong Bayani Awards dahil sa kanilang kabutihan hindi lang sa kanilang mga kamag-anak kundi sa buong komunidad at asosasyon. Pumangalawa si Nora Ramil ng Batangas, na nanalo din bilang Miss Social Media. Pangatlo ang kandidata mula sa Bacolod City na si Grace Pediongco na nanalo din bilang Miss Telegenic at sinundan ni Mrs. Julie Sager Messina ng Pinamalayan, Oriental Mindoro na nagtamo rin ang award na Miss Friendship. Ang panglimang kinoronahan ay si Gng. Eulalia Acidera ng Bacarra, Ilocos Norte na nanalo din bilang Miss Elegance at siya ay sinundan nina Imelda Bautista mula sa Batangas na nanalo din bilang Miss Poise at Jimayma Gandeza mula sa Abra na nanalo din bilang Miss Photogenic.
Sa selebrasyong ito, bilang pagpugay sa magandang unang taon ng mga opisyales, bumoto ang mga opisyales kasama ang mga advisers ng most active officers at nanalo sina Emelia Ignacio, Jeffrey Coloma at Jimayma Gandeza.
“On behalf of my co-officers, nais kung ipabatid ang aking taos pusong pasasalamat sa mga sumusuporta sa lahat ng mga proyekto ng ating asosasyon sa nagdaang taon, lalo na ang mga sponsors sa kanilang walang sawang pamamahagi ng kanilang mga blessings at natutugunan ang katuparan ng lahat ng mga proyekto ng PDBA lalo na sa aming anniversary program. Nagpapasalamat din ako sa lahat ng aking mga kapwa opisyales, advisers lalo na ang mga zone chairmen at sa lahat ng mga tumulong para sa kanilang mga di matatawarang pagod at tulong para sa ikakabuti ng asosasyon”, pagtatapos ni Armand Curameng, president ng PDBA.
ni: AB CURAMENG
larawan ni: Marz Deus of DMARZ photography